KUNG gaano kasigasig si Sen. Jamby Madrigal sa pagsira ng kredibilidad ni Sen. Manny Villar sa C5 isyu, ay siya namang tahimik niya sa usaping pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan. Si Jamby ay chairperson ng Senate Environment Committee, na inaasahang maglulunsad ng malawakang imbestigasyon sa paglubog ng Metro Manila at mga lalawigan dahil sa mga bagyong Ondoy at Pepeng.
Matindi na ang paghahanap ng Senate media kay Jamby upang tanungin kung ano ang gagawin ng kanyang komite upang matugunan ang isyung pagbaha ngunit hindi siya makita. Kaya marahil umiiwas si Jamby sa mga reporter ng Senado dahil wala namang idudulot ito sa kanyang political carrier. Pa salamat na lamang tayo at meron isang Sen. Loren Legarda na matiyagang umuurirat sa kapalpakan ng mga opisyales ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Dahil kung ang lahat ng mga myembro ng Committee ang maging katulad ni Jamby tiyak na tuluyang mabubura ang Pinas sa mapa. Kayat kahit na walang Jamby sa senate hearing tuloy pa rin ang paggisa ni Legarda sa mga responsableng opisyales ng pamahalaan upang mabigyan ng agarang solusyon ang napipintong pagkalunod ng sambayanan. Kaya nang tanungin si Legarda ng mga reporter kung ano ang kanyang reaksyon sa hindi pagsipot ni Jamby sa naturang isyu, kibit balikat lang ito at sabay sabing “She is welcome to join my hearings”.
Kung matatandaan, sunod-sunod ang pagdinig naisagawa ni Legarda hinggil sa pagbahang naganap. Si Legarda, chairman ng Committee on Climate Change, ang siyang naka tutok sa isyu. Dahil sa kanyang mga committee hearings, nalaman ng taumbayan na marami palang aspeto ang dapat gawin upang hindi na maulit ang trahedya.
Naging malinaw sa mga pagdinig na pinamunuan ni Legarda na dapat ngalisin sa baybayin ng Laguna lake at iba pang malaking pinagdadaluyan ng tubig ang daang libong tao na nakatira rito. Ito marahil umano ang kinakatakutan ni Jamby sa pagsipot sa hearing dahil oras na mapalayas ang mga residente sa kapaligiran ng daluyan ng tubig tiyak na kasama siya sa mawawala sa balota sa 2010. Bakit nga naman isasakripisyo ni Jamby ang kanyang mga pangarap sa wala pang sulusyon na problema.
Naging usapin din ang pagtakda ng napapanahong “protocol” sa pagbubukas ng mga dam. Naging malinaw din na dapat ay magkaroon ng master plan kung paano maiiwasan ang pag-ulit ng matinding mga pagbaha na ikinamatay nang marami at nakapinsala ng mga ari-arian.
Noon lamang nakaraang linggo, nagpahiwatig si Legarda na tatakbo siya bilang vice president bitbit ang agenda para sa kalikasan at paglaban sa kahirapan. Si Jamby naman ay minsan ng nagpahayag na siya naman ay tatakbong panggulo este pangulo. At oras na mabola niya ang taumbayan at palaring manalo sa 2010 eleksyon ay uunahin daw niyang ipakulong ang kanyang mga kamag anak na diumano ay nanggulang sa iniwang mana ng kanyang yumaong bilyonaryang tiyahin.