BUMULAGA sa mga pahayagan ang balita na ang opo-sisyunistang si Sen. Chiz Escudero ay gumagapang daw sa Malacañang upang hingin ang bendisyon ni Presidente Arroyo sa kanyang paghirit sa panguluhan sa 2010. Ngee, totoo ba ito?
Parang mahirap paniwalaan. Maraming naniniwala na ang basbas ni PGMA ay katumbas ng tuklaw ng makamandag na cobra. Eh, bakit naman hahangarin ng isang Chiz Escudero na gawaran ng ganyang halik? Well, opinion ko lang iyan. Baka iba ang pananaw ninyo.
Natural magre-react si Chiz sa ganyang paratang. Aniya sa isang statement:
“I have not sought, nor will I seek, the endorsement of President Gloria Macapagal Arroyo. Nor have I authorized anyone to do so.
Ang sino mang may matinong pag-iisip ay higit na maniniwala kay Escudero. Sabihin mang nauungusan siya ng iba sa mga surveys, hindi maitatatwa na may following siya lalo na sa mga kabataan.
Sabi pa ni Chiz, bayaan na lang daw ang mga katulad ni Gibo Teodoro, Bayani Fernando o Noli de Castro ang maghabol sa basbas ni PGMA at wala siyang paki sino man ang bendisyunan ng Presidente.
Sabi pa niya, hindi pa siya nagdedeklara ng kanyang intensyong tumakbo pero kung gagawin niya ito, ang endorsement ng mamamayang Pilipino ang kanyang pupuntiryahin.
Nakapagtataka kasi kung gagawin ni Chiz ang paratang sa kanya. Nangunguna siya sa mga matinding bumatikos kay President Gloria na kahit “ninang” pa niya sa kasal ay hindi niya sinasanto kung nagkakamali. “Mananatili akong oposisyon” pagbibigay diin ni Escudero.
Kumbaga’y ngayon pa lang nag-iinit sa politika si Chiz. Dapat siyang humanda sa mga mas matinding demolisyon.
Bahagi iyan ng politika na idinadalangin kong sana’y magbago na.