Maraming ibig sabihin ang salitang “predator”. Kung diksiyunaryo ang pagbabasehan, maninila ang ibig sabihin nito.
Ang pakahulugan ng BITAG dito, mga kolokoy na naghahanap ng kanilang masisilo o mabibitag upang makapambiktima at makapang-abuso.
Gamit ang iba’tibang patibong katulad ng panunuhol, pamumuri, mabulaklak na pananalita’t matatamis na pangako, madali silang makakahanap ng kanilang maloloko’t maaabuso.
Dalawang kaso ng “paninilo” ang itatampok ng BITAG ngayong Sabado ng gabi. Hinihikayat namin ang lahat lalo na ang mga magulang na manood upang maiiwas ang kanilang mga anak sa patibong ng mga predators.
Ang unang kaso, bagama’t nakilalang homebody , laging nakakulong sa loob ng kuwarto kasama ang laptop at cellphone, nabiktima ng isang internet predator ang isang disisais anyos na dalaga.
Nagawang lumantad sa webcam ng disisais anyos na si Cindy dahil sa kahilingan ng nakilalang internet predator na sa huli, ikinalat sa internet ang kanyang hubo’t-hubad na katawan.
Malaking katanungan para sa kanyang ina ang nangyaring ito sa anak na naging dahilan pa nito sa tangkang pagpapakamatay.
Ang ikalawang kaso, mga mall predators na mga bading. Hulog sa BITAG ang ilang bading na naglilibot sa Isettan Mall sa U-belt upang mamick-up ng mga bata at estudyante pang mga kalalakihan.
Dahil sa kanilang mga suhol na pera, gamit at treat o libre sa loob ng mall, madaling napapakagat sa kanilang pain ang ilang kabataang kalalakihan.
Ang masakit pa rito, matapos tanggapin o paunlakan ng ilang batang lalaki ang alok ng ilang mapagsamantalang bading na ito, binababoy at inaabuso ang bubot na katawan ng mga kalalakihang kanilang naisasama.
Mga magulang, alamin kung paano mapangalagaan ang inyong mga anak na huwag mapabilang sa statistika ng mga nabibiktima ng mga predators.
Dahil karamihan sa mga nabibiktima ng mga ito, tumatahimik na lamang, hindi na nagsasalita upang magreklamo at habambuhay na dadalhin sa kanilang pagkatao ang pagdurusa ng pagiging biktima.