MARAMI nang mahuhusay na gamot ngayon para malabanan ang sakit na tuberculosis. Ang mga gamot ay ibinibigay ng libre ng ilang health clinics sa bansa. Pero sa kabila nito marami pa rin ang maysakit na TB at isa sa mga pangunahing pumapatay sa mga Pinoy. Hindi lamang ang mga mahihirap ang tinatamaan ng TB kundi pati ang mga mayayaman. Walang pinipili ang TB kaya nararapat na ma-educate ang mamamayan kung paano magagamot ang sakit. Ayon sa Department of Health (DOH) karamihan sa mga maysakit na TB ay sila na lamang ang gumagamot sa sarili (self-medication) na hindi naman nararapat. Marami rin umano ang umaasa sa mga pag-inom ng kung anu-anong herbal. Mayroong umaasa sa mga payo ng albularyo.
Sinabi ng DOH na umaabot sa 450,000 Pilipino ang may TB at 30 percent ng mga ito ay ayaw magpakunsulta sa doctor. Ayaw nilang mabulgar na meron silang sakit. Ang iba pa ay nahihiyang ipaalam na meron silang nakahahawang sakit.
Ang ganitong pananaw ay dapat mabasag. At walang ibang makapagpapaliwanag sa mga maysakit na TB kundi ang DOH. Sila lamang ang lubusang may awtoridad para maipabatid na ang TB ay madali nang gamutin sa kasalukuyan basta maayos lang ang medication. Malaki na ang iniunlad ng me disina kung paano lubusang mapapatay ang sakit na naging dahilan din ng kamatayan ni dating President Manuel L. Quezon. Matagal nang nananalasa ang TB at hindi ito titigil sa pamiminsala hanggat ang mama mayan ay magpapatuloy na ignorante sa sakit na ito.
Noong Marso 24 ay World TB Day. Ipinaaalala na huwag maniwala ang sinuman na ang sakit na TB ay hindi nagagamot at ito na ang ikakamatay ng nagtataglay nito. Hindi dapat maniwala sa mga sabi-sabi kundi ang pinakamabuti ay magpakunsulta sa doctor para ganap na masuri ang sakit.
Nararapat naman na dagdagan pa ng DOH ang kanilang pagbibigay ng paalala sa lahat na may kaugnayan sa sakit na TB. Sa DOH dapat manggaling ang mga dapat gawin para lubusang maiwasan ang sakit at ang mga dapat gawin sakali at nagkaroon nito.