SINISI ni Gng. Arroyo ang ika niya’y tough choices sa pagbag-sak ng kanyang popularidad. Kung hindi raw dahil sa kanyang katatagang sundan ang tamang daan, hindi natin makakamit ang tinatamasang pagbulusok ng ekonomiya. Ito raw ang marka ng tunay na leadership.
Hindi ko alam kung kaninong ekonomiya ang tinutukoy ni Gng. Arroyo na bumulusok. Ang alam ko ay siguradong bag-sak nga ang kanyang popularidad. At kung may kinalaman ang tough decisions dito, ito’y dahil hindi niya ginawa ang mga tough decision at sa halip ang pinili niya’y iyong mas madali imbes na mas tama.
Anumang pagtanggol ang gawin sa kanyang record sa VAT, sa bigas, sa subsidies, hindi matatanggal sa isip ng tao ang mga anomalya ng kanyang administrasyon na hanggang ngayo’y hindi pa rin pinangangatawanan. Hindi na nga inaamin, hinaharang pa ang nais umamin sa pamamagitan ng executive privilege. Ito ang tough decision na hindi niya magawa-gawa –- ang magtapat sa bayan. Walang kinalaman ang leadership sa usaping ito. Kawalan ng leadership ang may kinalaman.
Kung tough choices ang pag-uusapan, mas interesting ang isyu na hinaharap ngayon ni Batangas governor Vilma Santos-Recto. Nanawagan siya sa mga magsasaka sa Bgy. Baha at Talibayog sa Calatagan na kilalanin ang karapatan ng isang malaking kompanyang kemikal na minahin ang lupang sinasaka ng mga ito.
Ayon kay Gob. at sa kompanya, may desisyon ang Mataas na Hukuman na nagsasabing hindi dapat naisama ang lupang ito sa Land Reform ni Pangulong Marcos. Ang sagot naman ng mga maliit na magsasaka ay hangga’t hindi pa nakakansela ng DAR Adjudication Board ang kanilang mga patent (titulo), sila pa rin ang may-ari ng lupa at hindi maaring basta- basta itong ipaubaya ni Gob. sa kompanya.
Prioridad ng administrasyong Santos-Recto ang agrikultura. At ang 507 ektaryang lupang ito ay maaring matamnan ng iba’t ibang uri ng food crops. Hanggat hindi napapa walang bisa ang mga patent ng 318 farmer-beneficiaries, hindi maaring pakialaman ninoman ang lupa.
Kung ito ang susundan, malinaw ang dapat panigan ni Gob. Subalit nagdesisyon na siya. Tough choice?