ILANG KONG ULIT bang sasabihin na ang ating mga mambabatas ay dapat magbalangkas ng panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na kaparusahan sa mga taong napapatunayan na nagkasala sa ‘di pag-iingat sa pagmamaneho at nagresulta sa matinding pinsala sa kapwa at sa ari-arian. Para na akong sirang plaka.
June 30, 2008 mula Nueva Ecija ay nagsadya sa aming tanggapan si Serafin Sevilla 53 taong gulang at ang kanyang asawa na si Della Sevilla 52 taong gulang.
Si Serafin ay dating OFW sa Jeddah, Saudi Arabia ngayon siya ay nagpapasada ng pampasaherong jeep.
May 17, 2008 ng mangyari ang isang inisidente na nagpahirap sa buhay ng kanilang pamilya.
“Galing ako sa Jimmy Electrical Shop malapit lang rin sa bahay namin. Nagpaayos ako ng alternator ko. Bandang ala- sais ng gabi pabalik na ko sa garahe. Nagmaniobra ako. Malayo pa lang ay naririnig ko na siyang bumubusina kaya hininto ko muna ang jeep ko. Sa bilis ng pangyayari nagulat nalang ako ng bungguin niya ang jeep ko.” kwento ni Serafin.
Ayon kay Serafin bago iyon mangyari ay may Police Mobile sa harapan ng Toyota Vios na iyon. Tumabi ang Police Mobile sa pag-aakalang may emergency kaya mabilis ang takbo nito.
Malakas ang hampas ng Toyota Vios sa pampasaherong jeep ni Serafin kaya naman natanggal ang break ground at gulong nito. Naging malaki rin ang pinsalang tinamo ng kanyang sasakyan.
“Pagtapos ng bungguan ay may rumesponde kaagad na pulis. Napag-alaman namin ang pangalan ng nagmamaneho. Siya si Oliver Sana 30 taong gulang. Anak ng Barangay Kapitan na si Juanito Sana ng Barangay San Pascual. ”ayon kay Serafin.
Dinala kaagad si Oliver sa Sto. Domingo District Hospital ng dalawang pulis na rumesponde. Si Serafin ay binantayan at nagpatulong sa mga kapit bahay upang buhatin ang jeep sa kanilang garahe.
“Matindi ang sakit ng katawan ko. Madami akong naging pasa pero mas pinili ko munang maiwan sa pinangyarihan ng aksidente para mabantayan at buhatin ang jeep ko. Agad kong pinapunta ang anak ko na si Christine sa Sto. Domingo District Hospital dahil baka takasan niya ako.”sabi ni Serafin.
Naipasok na ang jeep sa garahe ni Serafin kaya madali itong pumunta sa Ospital para maipagamot ang mga natamong pinsala.
“Dito napag-alaman ko na nakainom si Oliver dahil positibo ito sa alcoholic breath at nagmaneho siya ng walang dalang lisensya.”ayon kay Serafin.
Kinabukasan bandang ala-sais ng umaga ay pumunta si Pamela Hierpo kapatid ni Oliver at kasama niya ang kanyang asawa na si P02 Hierpo.
“Nakikipag-areglo sila. Sabi niya papalitan ‘yung nagmamaneho na si Oliver ng isang nagngangalang Orly Calling. Papalabasin na hindi ito nakainom at may dala itong lisensya. Kapag naisagawa na ‘yun sila na ang bahalang magpagawa ng jeep ko.”kwento ni Serafino.
Hindi pumayag si Serafino dahil baka pagmatapos ang pag-areglo ay balewalain na nila ang responsibilidad sa jeep niya.
May 23, 2008 ala-una ng hapon ng may dalawang pulis na pumunta sa bahay nila Serafino at sinabing pinapatawag siya ni Mayor Marvin Pariñas ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Pagdating dun ay nagharap sila Serafin at Kapitan Juanito (tatay ni Oliver). Pumayag na daw ang imbestigador ng kaso at si Mayor Pariñas na pagpalitan ang suspect. Tinanggihan pa rin ito ni Serafin at tinanong siya kung ano bang gusto niyang kundisyon.
“Sinabi ko na P120,000.00 ang estimated na halaga para maipaayos ang jeep ko. Sabi ni Mayor Pariñas masyadong malaki ang halaga at hindi kaya ni Kapitan. Nagbigay ulit ako ng bagong kondisyon. P50,000.00 ang ibibigay nila sa akin. P20,000.00 para maipasok sa talyer ang jeep ko at huhulog-hulugan nila ang kulang na bayad sa talyer.”ayon kay Serafin.
Nagkasundo ang dalawang panig at nangako ang panig nila Kapitan Juanito na magbabayad sa darating na linggo.
May 24, 2008 Sabado ng umaga pumunta si Kapitan Juanito sa bahay nila Serafin. Nakiusap ito na P40,000.00 ang ibibigay kay Serafin at P20,000.00 sa talyer.
“Hindi ako pumayag. Luging-lugi ako. Sobra na nga ang abalang ginawa nila sa pamilya ko. nagkanda utang-utang na kami magkaroon lang ng pang-araw-araw ng panggastos tapos babaratin lang nila kami ng ganito. Sana intindihin rin nila ang kalagayan namin.”pahayag ni Serafino.
May 26, 2008 ay napagpasyahan ni Serafin na mag-file na ng kaso sa Cabanatuan Hall of Justice. Bago siya umalis ay pinuntahan siya sa kanyang bahay ng imbestigador at ni Orly. Ayon sa dalawa ay pinapunta sila ni Mayor Pariñas upang ‘wag na magsampa ng kaso si Serafin dahil inaayos na daw ang pera,
Ayon kay Serafin ay sinabihan siya ng imbestigador na hanggang ngayon ay wala pang pera ang pamilya ni Kapitan Juanito upang ipangpagawa ng jeep nila.
“Hindi ko na sila pinakinggan at tinuloy ko ang pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries and Damage to Property. Itutuloy ko na lang ang kasong ito para mapanagutan ni Oliver ang pagiging iresponsable niya.”pahayag ni Serafin.
KAPAG TAYO ay nakaperwisyo sa ibang tao paninindigan natin ito dahil kung hindi siguradong kaso ang haharapin mo. Ikaw naman Kapitan, kung ano ang napagkasunduan tuparin mo. Huwag pabagu-bago na parang wala kang palabra de honor. Baka mabansagan kang KAPITAN BOLA. (kinalap ni Jona Fong)
PARA SA MGA biktima ng krimen, karahasan o may legal problems maari kayong magtext sa 09213263166 o sa 091929872854, Maari din kayong tumawag sa 6387285. Ang aming tanggapan ay matatagpuan sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com