EDITORYAL — Kampanya sa paputok na hindi pumapatok

MAY panibagong banta na naman ang Philippine National Police (PNP) at maaaring hindi na naman ito maipatupad. Paano’y ang pagba­banta na naman laban sa illegal na paputok ang kanilang isusulong ngayong Pasko at Bagong Taon. Noong nakaraang taon ay ganito rin ang banta ng dating PNP chief na si Gen. Oscar Cal­deron laban sa mga illegal na paputok pero marami pa rin ang naputukan at nasugatan.

Sabi ni PNP chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr. matindi ang gagawin nilang kampanya sa illegal na paputok sapagkat pipilitin nilang maging “zero casualty” ngayong taong ito. Inorder na umano niya sa kanyang mga commander na paigtingin ang paghahanap at pagkumpiska sa mga illegal na paputok. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi nakukumpiska ang mga illegal na paputok na sa kasalukuyan ay nagsisimula nang lumaganap habang papalapit nang papalapit ang Pasko at Bagong Taon. Ayon sa guidelines na ipinalabas ng Firearms and Explosives Divisions ng PNP, ang firecrackers ay hindi hihigit sa .02 grams ang gunpowder at nararapat sumabog nang hindi kuku­langin ng tatlong segundo at hindi naman hihigit ng anim na segundo makaraang sindihan. Ang mga ipinagbabawal na firecrackers ay ang pla-pla, Super Lolo at bawang.

Taun-taon ay may kampanya sa paputok at  taun-taon din ay tumataas din ang bilang ng mga napuputukan at nasusugatan. Noong naka­raang taon (December 21, 2006 hanggang Jan. 1, 2007) may 600 katao ang naputukan at nasugatan ng  firecrackers. At bukod sa paglipana ng mga delikadong firecrackers, nauso rin ang boga,   isang paputok na gawa sa PVC pipes. Alcohol ang ginagamit para pumutok na ayon sa Department of Health (DOH) ay delikado sapagkat sa lakas       ng putok ay maaaring mawasak ang PVC at ma­pinsala ang may hawak nito.

“Zero casualty” ang hangad ng PNP ngayong taon. Sana ay matupad ito. Paigtingin ang paghahanap at pagkumpiska sa mga illegal na paputok. Hindi dapat matulad ang kampanya ni Razon sa kampanya ng iba pang naging PNP chief na ningas-kugon lamang. Ipakita ni Razon na kakaiba siya sa mga naunang PNP chief.

Show comments