ANG gout ay isang uri ng arthritis. Napakasakit kapag umatake ang gout at kadalasang ang mga kalalakihang nasa edad 40 pataas ang tinatamaan. Nagkakaroon ng gout dahil sa sobrang dami ng deposits ng monosodium urate crystals na nasa kasu-kasuan (joints). Masyadong marami na ang uric acid level sa dugo.
Ang sintomas ng taong may gout ay palaging may lagnat, namumula, namamaga at walang kasingsakit ang mga kasu-kasuan particular ang hinlalaki ng mga paa.
Ang sintomas ay biglaan kung dumating at maaaring mawala sa loob ng ilang araw. Subalit maaaring bumalik at mas matindi pa ang mararanasang sakit. Ang gout ay maaaring umatake sa iba pang bahagi ng katawan gaya ng balikat, siko, braso, daliri, gulugod, baywang at iba pang bahagi.
Maiiwasan ang gout kung babawasan ang timbang at katamtaman lamang ang pag-inom ng alak. Ang sobrang pag-inom ng alak ay nakadaragdag ng uric acid. Bawasan ang pagkain ng mga may tinatawag na “purines”. Kabilang sa mga may mataas ng purines ay ang atay, kidney, brains, anchovies, sardines, peas, dried beans, asparagus, cauliflower, mushrooms at spinach.
Uminom ng anim hanggang walong basong tubig isang araw. I-check ang inyong gamot sa blood pressure sapagkat maaaring ang gamot na iniinom ay thiazide deuretics.