ANG pagkakaalam ko, kapag isang tao ay nabilanggo na nang dahil sa isang krimen, nawawala na rin ang mga karapatan na normal sa isang malayang tao tulad ng mga luho at karangyaan. May mga konting benepisyo, pero hindi mo mahahambing sa isang taong malaya. Kaya ka nga nasa bilangguan, di ba? Parusa ito, at hindi bakasyon. Pero ang katotohanan, kapag ika’y mayaman o sikat na bilanggo, mas maganda at kumportable ang pagkakabilanggo mo.
Ito naman ay isiniwalat ng ilang bilanggo sa Bilibid. Mga sikat at mayaman na bilanggo katulad nila Mayor Antonio Sanchez, Claudio Teehankee, Jose Villarosa at ang pinakasikat na bilanggo sa Bilibid — si Romeo Jalosjos. Ang kanilang mga selda ay mistulang kuwarto ng isang magandang bahay. May mga tokador, mesa, silyang monobloc, kamang maganda, mga lagayan ng pagkain, PAGKAIN! May rehas nga lang ang mga pinto! Ang lugar na kanilang ikinalalagyan ay mistulang mini-mall. May kapihan, mga tindahan at gym. May maliit na swimming pool pa! Bakit naman ganito ang kalagayan ng mga bilanggo na ito, saman talang ang ordinaryo at mahirap na bilanggo ay tila mga manok sa kulungan kung mamuhay? Kung pareho lang naman ang mga krimen nila at sentensiya, bakit pinapayagan ng warden ng Bilibid mamuhay sila ng ganito? Nasa patakaran ba ng Bilibid na puwedeng magpaganda ng selda at paligid ang isang mayaman na bilanggo, samantalang nabuburyong ang iba?
Isang inhustisya na naman para sa mga biktima ng mga kriminal na ito ang payagan silang mamuhay ng ganito habang nakakulong at nagsisilbi ng sentensiya. Alam ko may mga pinapayagan na konting luho, pero hindi ganito. Kung wala namang mali sa ganitong sistema, bakit para sa iilan-ilan lang? Kung ganyan lang ang buhay bilanggo, wala na talagang matatakot gumawa ng krimen at makulong. Masarap din naman ang buhay sa loob! At ito pa lang ang nasisiwalat tungkol sa mga may impluwensiyang bilanggo. Hindi pa natin alam lahat ang buong kuwento. Baka buhay may-asawa rin ang mga buhay nila sa loob! Hindi ko maintindihan kung bakit napapayagan ang mga ganitong pangya-yari sa loob ng kulungan! Sampal ito sa sistema ng hustisya sa ating bansa. Kung ganun lang, maaasahan natin na ang sunod na mayaman na mahahatulang may sala sa krimen ng pagpatay ay maganda rin ang buhay sa loob! Kalokohan!