Ang presensiya ng mga sundalo sa may 26 na slums area sa Metro Manila ay agad na binatikos nang maraming grupo. Nagbabalik ang alaala ng martial law kung saan ay ginamit ni President Marcos para takutin ang mamamayan. Kinasangkapan ng diktador para mabusalan ang bibig ng mga lumalaban sa kanyang pamamahala.
Agad namang sinabi ng AFP na i-educate nila ang mga nasa squatters area na may kinalaman sa election. Bukod sa pagtuturo, nagsagawa rin sila ng mga libreng pagtuli, libreng bunot ng ngipin at ibang pangsibikong gawain.
Nagsimula ang deployment ng mga sundalo sa mga squatters area noon pang nakaraang December 2006. At ang sabi pa ng AFP maaaring madagdagan pa ang mga sundalo sa slums kahit na matapos na ang election. Hindi raw nila mapigil ang mga nagre-request na maglagay ng sundalo sa kanilang lugar. Isa sa nag-resquest ay ang apat na barangay sa Paco. Mas makagaganda raw at magkakaroon ng katahimikan sa kanilang lugar kung may mga sundalo.
Iisa ang nakikitang dahilan sa deployment ng mga sundalo sa mga slums area  gagamitin sila para makapandaya. Wala namang ibang maaaring kasangkapanin kundi sila sapagkat sila ang may mga armas. At gaano ang takot na hatid ng mga sundalong may armas? Nagbabalik ang senaryo ng martial law.
Tama lamang na tutulan ang deployment ng mga sundalo sa Metro. Hindi sila dapat dito kundi sa mga lugar na maraming teroristang nagsasabog ng lagim sa mga sibilyan.