Papuri sa burara

DALAWANG batikang artists ang nakatrabaho ko noon sa magkaibang magasin. Pareho silang makalat kumain, mahaba ang buhok, magulo ang gamit. Minsan inayos ng janitor ang mesa ni Emil; galit na galit siya nang hindi na niya mahanap ang paint brushes, na nandoon lang sa harap niya. Minsan may humiram kay Nonoy ng pantasa; habang patuloy sa dino-drawing, dinukot niya ang maliit na sharpener sa tampak na abubot sa mesa. Sa huli, pareho rin silang may sariling kaayusan sa magulong ugali.

Naging haka-haka ko tuloy, burara talaga ang mga creative na tao: pintor, iskultor, makata, etc. Kaya nga gan’un ang stereotype ng imbentor sa pelikula: Mukhang nutty professor. Nang buhay pa ang daddy kong arkitekto, palagi niya kaming inaabisuhan na mag-ayos ng school bags at laruan. Pero ang mesa niya, tambak ng mga librong nakabukas at plano ng mga building at subdivision na dini-design niya. Magulo rin pala.

Pangaral sa atin mula bata na maging malinis, maingat at matipid sa bahay o classroom. Nagi-guilty tuloy tayo kapag di matupad ang New Year’s resolution na aayusin mula ngayon lahat ng papeles at cabinets. Pero huwag na tayong magsisi o mahiya. May kabutihan din palang dulot ang pagiging magulo, pabaya, at mahilig magpabukas ng trabaho.

Ayon sa bagong librong "A Perfect Mess: The Hidden Benefits of Disorder," magandang asal ang pagka-burara. Dalawang ehemplo ang nakaka-kumbinsi. Hindi raw sana aksidenteng nadiskubre ni Alexander Fleming ang penicillin kung naging maayos at malinis siya. Ugali niyang iwanan sa lab ang nagamit nang petri dish, at nu’n niya napansin at pinag-aralan ang fungal spores na namumuo dahil sa bacteria. At paulit-ulit ang libro sa pagkuwento na ang US Marines, kapag may operation, iniiwan hanggang sa huling oras ang mga pinaka-importanteng desisyon. Sa gan’ung paraan daw, nagiging creative sila sa paglikha ng solusyon, at hindi sila nalululong sa mabababaw na isyu.

Ang konting gulo, parang ingay daw sa telepono na paraan para maalis ang echo at mas maintindihan natin ang kausap. Ang hindi lang maganda sa libro, masyadong madetalye, magulo ang presentasyon, at paulit-ulit. Ayaw ng mga burara makasaksi ng kaburaraan ng iba.

Show comments