‘Palalayain’ si Erap

PALAGAY ko may stategy na iniisip ang Malacañang nang ipahayag ni Presidential Chief of Staff Mike Defensor na dapat nang bigyan ng pansamantalang kalayaan sa pamamagitan ng recognizance si dating President Estrada.

Binanggit kasi ni Defensor na sinasang-ayunan ni Presidente GMA ang pansamantalang pagpapalaya kay Erap. Sinabi ni Defensor na kapag nangyari ito, makakamtan na ng Pilipinas ang minimithing pagkakaisa at maaaring ito ang mag-aahon sa masamang kinalalagyan ng bansa.

Sumusuporta naman si National Security Adviser Norberto Gonzales sa panukala ni Defensor na palayain na muna si Erap habang dinidinig ang mga kaso nito. Tumututol naman si Justice Secretary Raul Gonzalez, Chief Presidential Legal Counsel Sergio Apostol at Press Secretary Toting Bunye. Paglabag daw sa batas kung palalayain si Erap sapagkat nahaharap ito sa kasong plunder na walang piyansa.

Palagay ko, totoo ang sinasabi ni Defensor na hindi tutol si GMA kung palalayain na si Erap. Kapag pinalaya si Erap tiyak ko na kung anu-anong paratang ang ibabanat niya sa administrasyon at pati sa personal na pagkatao ni GMA.

Duda ako sa pagpapalaya na sinabi ni Defensor kay Erap. Hula ko, mayroong usapang under-the-table sina Erap at GMA. Sa dumi ng pulitikang nangyayari sa Pilipinas, walang imposible.

Show comments