Para sa may mga problemang legal bukas ang aming tanggapan para sa inyo. Personal nyo kaming puntahan sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Kami ay instrumento lamang na ipinararating ang inyong suliranin sa tamang ahensya ng gobyerno. Siguraduhin lamang na dala ninyo ang kumpletong dokumento para matulungan namin kayo.
Nais naming pasalamatan ang lahat ng kawaning nabanggit sa walang sawang pagtulong. Ang lahat ng ito ay ginagawa namin para sa taumbayan.
Para naman sa artikulong sa araw na ito narito ang kasong inilapit sa aming tanggapan ni Jesus Gutierrez ng Pila, Laguna. Ang kanyang asawang si Monaliza ay nagpunta ng Lebanon.
Pangingisda ang pinagkakaabalahan ni Jesus habang si Monaliza naman ay nasa bahay. Walang hinangad ang mag-asawa kundi ang mapabuti ang kanilang kabuhayan. Nais ni Monaliza na makaipon ng pera kaya naman nagpaalam ito sa kanyang asawa na mangingibang bansa na lamang siya.
Hindi naman tutol si Jesus sa plano ng kanyang asawa kaya pinayagan nitong maglakad ng papel. Sa United Arab Emirates nag-aapply si Monaliza subalit nagulat na lamang si Jesus nang magsabi ang asawa na sa Lebanon siya mamasukan bilang domestic helper.
"Wala naman na akong magagawa pa kaya pinayagan ko na rin siya na sa Lebanon magtrabaho. Gusto niya kasing makauwi sa Davao kaya ang naisip niyang paraan para makaipon ng pera ay ang umalis ng bansa," kuwento ni Jesus.
Ika-8 ng Setyembre 2005 nang umalis ng bansa si Monaliza. Naging malungkot naman si Jesus nang umalis ang kanyang asawa pero inintindi na lamang niya ito dahil sa kanilang kapakanan naman ang iniisip ni Monaliza.
Ayon kay Jesus, madalas siyang sumusulat sa asawa subalit kailan lang niya nalaman na hindi pala ito natatanggap ng asawa. Minsan din ay nabanggit din ni Monaliza kay Jesus ang pangmamaltratong ginagawa ng employer nito sa kanya. Hindi raw ito hinahayaang makalabas ng bahay. Dadalawang beses lamang itong pinasuweldo at pagkatapos nito ay wala na. Pinayuhan naman daw ni Jesus ang asawa na umalis na lamang sa employer nito at umuwi na lamang ng bansa.
Samantala nang magkaroon ng kaguluhan sa bansang Lebanon ay labis ang pag-aalala ni Jesus sa kanyang asawa hanggang sa dito siya nagkaroon ng maraming pagkakataon na makausap ang asawa.
"Sinabi niya sa akin na sinama siya ng employer niya na mag-evacuate at pumunta sa ibang lugar subalit nang bumalik ito sa bahay ay muling naputol ang aming komunikasyon. Madalang na kaming nakakapag-usap," sabi ni Jesus.
Ika-5 ng Oktubre 2006 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang pinsan ni Jesus at ibinalita ang kalagayan ng kanyang asawa. Kasalukuyan itong nasa embahada ng Pilipinas sa Lebanon matapos nitong tumakas sa bahay ng kanyang employer.
"May tumulong daw sa kanyang kapwa Pilipina na makatakas. Nasa embassy siya ngayon kaya naman humihingi ako ng tulong upang makauwi ng bansa ang asawa ko. Umaasa akong matutulungan ninyo ako," pahayag ni Jesus.
Agad kaming nakipag-uganayan sa tanggapan ni Atty. Doy Lucinario ng Department of Foreign Affairs. Nangako naman siya na makikipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Lebanon upang matulungang makauwi ng bansa si Monaliza (Inday) para muli nitong makapiling ang kanyang asawa at mahal sa buhay.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854.