Dahil sa kapabayaan umano ng mga local official ng General Trias, Cavite at ng Provincial Environment and Engineering Office kaya naganap ang trahedyang hindi malilimutan ng mga residente ng Sunny Brooke 1 Subd., sa Bgy. San Francisco.
Ayon sa mga nakausap kong biktima ng pagguho, matagal na umanong inirereklamo nila ang illegal na pagmimina sa kanilang lugar kung kaya nagkaroon nang malalaking butas ang ilalim ng kanilang mga kabahayan.
Noong Marso 4 ng taong ito, sa pagitan ng alas 8:00 at alas 9:00 ng umaga, nagulat sila nang biglang gumuho ang lupa at lumubog ang isang puno ng niyog sa bahagi ng Section 2 Block 26 sa bahagi ng National Irrigation Administration (NIA) dam.
Napakalalim nang nilubugan ng niyog na sa tantiya ko, humigit sa 30 metro ang lalim dahil pati dahon ay hindi na makita sa itaas ng lupa. Matapos umano ang insidente ay agad nilang ipinaalam sa subdivision administrator ng Filinvest Land Inc., na developer ng naturang low cost housing.
Subalit matapos nilang maiparating ang naturang insidente, wala namang ginawang imbestigasyon maging si Sunny Brooke 1 Homeowners Association, President Mr. Vic Abilar. Tila pipi siya, he-he-he!
Napag-alaman na noong Abril 15, may nahuling mga minero sina Chairman Walter Martinez na naghuhukay ng tunnel sa bahagi ng Butas Dam.
Ang apat ay agad dinala sa barangay hall na pansamantalang ikinulong. Subalit makalipas ang dalawang araw, bigla na lamang itong pinalaya sa hindi malamang dahilan.
Umurong umano ang bayag ni Chairman Martinez dahil mga heneral at mga koronel ang pumapadrino sa apat na minero, he-he-he! Mga alaga pala ng mga matataas na opisyal ng ating militar at pulis ang mga iyon, kaya malalakas ang loob na manira ng kalikasan makuha lamang ang Yamashita treasure. Get nyo mga suki!
Wala ring ginawang aksyon si Mayor Luis "Jon Jon" Ferrer sa naturang problema matapos isangguni sa kanya ang insidente. Pero nang maganap ang trahedya noong nakaraang linggo ay kidlat na nagtungo roon si Mayor at may dalang tinapay, tubig, gamot at mga karton na pangsapin para tulugan ng mga biktima.
Bakas sa mukha nina Mayor Ferrer at Chairman Martinez ang pagsisisi, he-he-he! Nakita nila ang resulta ng kanilang kapabayaan sa mga taong naroroon. Kung ginawa lamang nila umano ang karapat-dapat na aksyon hindi sana nangyari ang trahedya ayon sa mga kausap ko.
Sa ngayon, labis ang takot ng mga residente na malapit sa Halang River at maging sa buong subdibisyon dahil hindi nila matiyak kung ligtas pa ang kanilang mga kabahayan sa mga hukay na ginawa ng mga walang kaluluwang minero na protektado ng mga opisyales ng sundalo at pulis.
Dagdag na pinuproblema ng mga residenteng malapit sa gumuhong lugar ay kung paano na sila muling makakuha ng bahay na lilipatan dahil sa kasalukuyan wala pang hakbang ang Filinvest Land Inc., sa kanilang problema. Abangan!