Sa ibang bansa, utak malaki: Skyscraper, jumbo jet, super tanker. Sa atin: Bangka, kapilya, reconditioned jeepney. Sa iba, may mga monumento sa kagalingan ng nagkakaisang lahi: Parthenon sa Athens, Coliseum sa Rome, Eiffel Tower sa Paris, Statue of Liberty sa New York, Great Wall sa China. Sa atin, katatawanang kahinaan sa pagkahati-hati ng archipelago: 75 wika, 17 mayor sa Metro Manila, utak-talangka sa siraan. Iisa lang, ani Joaquin, ang matuturing na malaking proyektong Pinoy ang Banaue rice terraces. Pero kung titingnang malapitan, binubuo ito ng maliliit na kanya-kanyang pitak ng palayan.
Wari mo, ang malalaking negosyo ay huhulagpos sa kakitirang-isip. Kasi naman ang managers nilay aral sa America at Europe, kaya aasahan mo sanang mas malawak ang perspektiba. Pero hindi, utak-tingi rin sila.
Pansinin, halimbawa, ang mayat-mayang spam message sa cell phone mo. Binabawas ng higanteng service provider sa load mo ang P1 kada message na hindi mo naman hiningi: Nagbebenta ng condo, nag-aalok ng utang, nag-aanunsiyo ng sale. Kung minsan three parts pa ang message, kaya P3 ang nababawas sa iyo. Papiso-pisong raket, pero kung ang 35 milyong cell phone ang padadalhan ng isang text, P35 milyon din.
Masdan din ang malls. Sa ibang bansa, bawal sila sa siyudad dahil sanhi ng trapik. Sa Pinas, hindi lang sila nasa pusod ng lunsod, kundi naniningil pa ng parking. Kumikita na sa ibinebenta sa loob ng mall, pati paradahan pinapatulan; para bang utang na loob ng shopper papasukin.
Pansinin din ang mga banko. Nag-oobliga na sila ng minimum deposit na P10,000 para makapag-bukas ka ng automated teller account. Kapag bumaba sa P10,000 ang maintaining balance mo, mumultahan ka nang P1-P5 kada transaksiyon miski balance inquiry lang. Utak-tingi!