Ipinag-utos (na naman) ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang pagdurog sa sindikato ng droga sa buong bansa. Nagdeklara (na naman) ng giyera si Mrs. Arroyo sa mga nagpapakalat sa illegal drugs, isang araw makaraang lusubin ng mga awtoridad ang "palengke ng shabu" sa siyudad ni Mayor Vicente Eusebio.
Nadakma ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) ang 312 katao sa loob ng "palengke" na kinabibilangan ng mga kababaihan at mga menor de edad. Sinabi ng AIDSOTF na positibo sa paggamit ng shabu ang 168 adult at 11 menor-de-edad. Nakita sa compound ang mga blackboard kung saan ay nakasulat na ang mga presyo ng shabu. Mayroon pa umanong waiting area para sa mga parukyano na nag-order ng shabu. Sa entrance ng compound ay naka-install ang closed circuit TV para mamonitor ang mga papasok.
Matagal na ang "palengke ng shabu" at sabi ng mga awtoridad, hindi agad mawawasak sapagkat ang mga tao sa nabanggit na lugar ay ipinagkakaila pa ang nasabing "palengke". Sa halip na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng siyudad o barangay at maging sa pulis, ay walang mga pakialam.
Walang ibang dapat managot sa pagkakaroon ng "palengke ng shabu" kundi ang mga pulis na sumasakop sa nasabing compound. Hindi lamang sila sibakin sa puwesto kundi ikulong pa. Mga inutil na pulis na abot ng tanaw ang "palengke ng shabu" pero walang nalalaman. Sa palagay namin, alam ng mga pulis ang bentahan ng shabu sa "palengke" subalit pinababayan na nila dahil nakikinabang sila. Dapat ding isailalim sa drug test ang 19 na inutil na pulis sa Community Precinct 20. Maging si Mayor Eusebio ay dapat ding magpaliwanag sa pagkakaroon ng "palengke ng shabu" na malapit lamang sa kanyang opisina.
Maraming menor de edad ang positibo sa paggamit ng shabu. Ano ang kahihinatnan ng bansang ito na maaga pa ay marunong nang gumamit ng shabu ang mga kabataan. Hindi na sana pawang banta ang gawin sa mga salot. Ipatupad ang batas. I-lethal injection ang mga drug traffickers!