P334-M gasta kada batas sa Senado

MULA July 2004-Oct, 2005 apat na batas pa lang ang naipapasa ng Senado. Tatlo rito ay nu’ng Nov. 2004: dagdag-buwis sa sigarilyo’t alak, bagong E-VAT, at insentibo’t parusa sa BIR at Customs. Isa ay nu’ng Dec. 2004: ang 2005 national budget. Mula noon, wala nang pambansang batas na ipinasa ang 23 magigiting na senador. Nauubos ang oras nila sa imbestigasyong hindi naman nagkakaroon ng final report – kaya wala ring aksiyon.

Ang budget ng Senado ngayon sa isang taon ay P1.336 bilyon. Sa madaling salita, gumasta sila ng P334 milyon kada isa sa apat na batas.

Ang apat na batas na ipinasa ng mga senador ay galing sa Kamara de Representante – na may awtoridad sa pagbubuwis at pagba-budget. At 14 na batas pa ngayong pasado na sa Kamara at ipinadala na sa Senado–pero nakabinbin pa rin sa huli. Ang 14 na ito ay para: pabahay at kontrol sa upa, insentiba sa bagong kalakal at pagpapaunlad ng pananim, at pagpapatatag ng batas laban sa smuggling at katiwalian.

"Quality over quantity," singhal parati ni Senate President Franklin Drilon sa angal ni Speaker Jose de Venecia tungkol sa mga nakabinbing batas. Kesyo tradisyon daw na masusi nilang pinag-aaralan ang mga batas kaysa sa Kamara, kaya mas nagtatagal ang mga ito sa kanila.

Ows? E kung gan’un, bakit nakiusap si Drilon kay de Venecia na agahan ang bakasyon ng Kongreso ngayong Undas? Ang naka schedule, Oct. 25-Nov 7 ang recess. Pero pinaagahan ni Drilon nang 10 araw, mula Oct. 15, para makapag-lamiyerda ang mga senador sa International Parliamentarians’ Union convention sa Europa.

At kung tradisyon ng Senado na masusing mag-aral ng batas, bakit mas maraming naipapasa ang mga naunang Senado nina Claro M. Recto, Lorenzo Tañada, Jose Diokno at Ninoy Aquino. Aba’y nu’ng 1946-1972, nagpasa ang Senado ng 428 hanggang 1,481 batas kada Kongreso. Nu’ng 1987-2001 nagpasa ito ng 415 hanggang 1,000 batas kada sesyon. Mula lang nang naupong Senate President si Drilon bumagsak sa 76 sa isang sesyon. At ngayon, apat lang sa loob ng 15 buwan. Nasaan ang quality ng lider?<

Show comments