Walang malinaw na karapatan

NAG-DONATE ang LAL Advertising Agency ng mga stereo sa lahat ng station at sasakyan ng LRTA. Bilang kapalit pinayagan ng LRTA ang LAL na maghayag ng patalastas pangkomersyo sa nasabing mga stereo. Pumirma ang LRTA at LAL sa isang kontrata kung saan babayaran ng LAL ang LRTA ng 30 percent ng kabuuang benta nila sa mga patalastas o commercials. Ang kontrata ay magtatapos sa March 31, 1997.

Bago matapos ang kontrata humiling ang LAL ng palugit dahil marami umanong gulo at ingay sa mga inihahayag na commercials sa mga sasakyan, kaya humina ang kita nila. Hindi pumayag ang LRTA.

Dahil dito, nagsampa ng kaso ang LAL laban sa LRTA noong March 31, 1997 mismong araw ng katapusan ng kontrata. Hiniling ng LAL sa Regional Trial Court (RTC) na pansamantalang pigilin ang LRTA an tapusin ang kontrata at baguhin ito sa pamamagitan ng pagbigay sa kanila ng moratorium kapag ang mga komersyal na inihahayag ay nagugulo dahil sa ingay. Noong April 16, 1997, ginawad ng RTC ang pansamantalang pagpigil o TRO at pinagbawalan ang LRTA na tapusin ang kontrata at tanggalin ang mga power supply sa mga sound system ng LAL. Tama ba ang RTC?

MALI.
Kailangang patunayan ng LAL na: (1) may malinaw na karapatan sila na dapat protektahan; (2) ang karapatang ito’y nilalabag; at (3) may madaliang pangangailangang maagapan ang grabeng pinsala.

Dito sa kaso, sinampa ng LAL sa RTC ang kanilang demanda noong March 31, 1997, araw ng katapusan ng Kontrata. Kaya noong April 16, 1997 kung kailan ginawad ng RTC ang TRO paso na ang kontrata na pinagbabatayan nila ng karapatan. Kaya wala na silang malinaw na karapatan na dapat pang protektahan. Hindi maaring palawigin, buhaying muli o ulitin ng RTC sa pamamagitan ng injunction ang isang kontratang paso na. Walang korte na makapipilit sa isang partido na makipagkontrata. Dapat may mutual na pag-ayon ang bawat panig sa isang kasunduan.

At dahil wala na ngang malinaw na karapatan, hindi rin masasabing may seryosong pinsala pang magyayari sa LAL. Hindi tama ang paggagawad ng injunction ngunit dapat ituloy pa rin ang kaso upang malaman kung may basehan nga ang LAL na baguhin pa ang kontrata (LAL vs. Court of Appeals G.R. 139275-76 and 140949 November 25, 2004).

Show comments