Kung sabagay, habang tumatagal marami na rin ang umaangal sa ginagawa ni Aglipay at isa na dito ay ang pag-presenta niya sa media ng anim na pulis na nahuli niyang natutulog sa kani-kanilang patrol cars. Bakit ipinarada pa sa tv, diyaryo at radyo ang anim na para silang mga kriminal? Yan ang katanungan na umiikot sa ngayon sa mga police headquarters sa Metro Manila. Pabor ang mga nakausap ko na patawan ng kaparusahan ang anim kung may rules and regulations ng PNP na nilabag sila pero kung sa aspeto na ipinarada sila sa media ay mukhang overkill na. Sa totoo lang, ilan sa mga naipresenta na natutulog ay umiyak pero wala silang sama ng loob kay Aglipay dahi alam nila ginagawa lang nito ang tra-baho niya, he-he-he! Sana hinay-hinay lang si PNP chief sa aspetong ito dahil sa fiscal crisis na hinaharap natin sa ngayon, masyadong manipis na ang pasensiya ng taumbayan.
May ilan ding district directors at station commanders na umaangal dito sa mga patutsada ni Aglipay na pinagalitan niya ang mga ito dahil sa hindi pagtupad ng mga programa niya. Isa sa mga umalma ay si NPD director Chief Supt. Marcelino Franco na tahasang nagsabing mali ang nakalagay sa diyaryo dahil hindi naman sila tinawagan ni Aglipay para sabunin. At hindi dapat gawin ni Aglipay na sabunin ang mga opisyales ng PNP nga sa walang kabagay-bagay na dahilan lamang, ani Franco. May ilan ding mga station commanders ang nagsasabing hindi totoong tinawagan sila ni Aglipay at pinagalitan taliwas sa naglabasan sa mga diyaryo, tv at radyo. Eh ano ba talaga ang nangyari? Bola-bola kamatis lang o propaganda itong mga patutsada ni Aglipay? He-he-he! Maaring nakamit ni Aglipay ang libu-libong pogi points sa pinaggagawa niya pero dapat mag-ingat siya dahil baka ang pinaggagawa niya sa district directors at station commanders eh magtulak sa kanila para mag-alsa, di ba mga suki? Pero dapat huwag kumurap si Aglipay sa ginagawa niya. Alam nyo naman ang mga Pigoy panay reklamo pero iilan lang naman sila. Ang importante nakakatulog na ng mahimbing sa ngayon ang sambayanan dahil alam nilang dilat ang kapulisan nila laban sa mga kriminal.