Mahilig ang mga awtoridad sa pagre-relax. Nangyayari ang ganyang pangunguyakoy kapag nakadakma na sila ng isa o dalawang kidnapper. Ipiprisinta sa kanilang pinuno ang nadakma at pagkaraan ay magsisipagsaya na para bang wala nang problema. Pababayaan na ang iba pa. Magpapalamig lamang ang mga iyan at magre-recruit ng panibagong miyembro.
Napakasimple kung paano madudurog ang mga kidnapper pero ang ganito ay hindi maisip ng awtoridad, partikular ang Philippine National Police. Sabagay, ano pa ang aasahan sa PNP lalo pa nga ngayong sila-sila ang nagsusuwagan.
Kung magpapatuloy ang sistemang parelaks-relaks ng awtoridad, hindi masusugpo ang kidnapping at dadami pa ang kanilang lahi. Dapat patunayan ni anti-kidnapping czar Angelo Reyes na karapat-dapat siya sa puwesto at hindi basta isinaksak lang para mapag-usapan ang pangalan at magamit sa kandidatura.
Sa report ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) na si Reyes din ang hepe, 10 kilabot na kidnappers ang kinilala. Isang araw makaraang malathala, dalawa rito ang nadakip. Sa kabuuan, tatlo na ang bumabagsak sa kamay ng NAKTAF. Una ay si Dr. Roberto Obeles Yap, leader ng Obeles Group kidnap gang na napatay sa engkuwentro sa Dinalupihan, Bataan noong November 21. Ang grupong ito ay pinaniniwalaang sangkot sa pagdukot at pagpatay sa Coca Cola Executive Betti Chua Sy noong November 17. Ibang grupo naman ang kumidnap kay Dellina Dy, ilang araw makaraang matagpuan ang bangkay ni Sy. Pinalaya na ang bata kamakalawa makaraang magbayad ng ransom. Nahuli naman kaagad ang apat na kidnapper ng bata.
Ngayong alam na ng NAKTAF (bagamat may palagay kaming kulang pa ang nasa listahan) ang mga grupo ng kidnappers, dapat na tugaygayan na nila ang mga ito. Subaybayan upang hindi na makatakas. Saka na lang ang relax kapag payapa na ang bayan. Patunayan ang sinabi ni Mrs. Arrroyo na kidnap-free na sa Pasko.