EDITORYAL - Lumalalang kriminalidad sa Lungsod ng Maynila

SABI ng spokesman ng Western Police District (WPD) na si ret. Chief Inspector Floriano "Gerry" Agunod, walang dapat ipag-alala sa mga nangyayaring krimen sa Maynila sapagkat ang mga ito ay isolated cases lamang. Binibigyang prayoridad aniya ng WPD ng immediate solution ang mga nangyayaring krimen. Pero kakatwa na habang nagpapaliwanag ang WPD patuloy ang mga nangyayaring krimen na nagpapakilalang mahina at walang kakayahang supilin ang masasamang loob. Habang nagdedepensa ang WPD, nakaamba sa mga residente ng Maynila ang bangis ng mga masasamang loob at sa kaliwanagan ng araw ay umaatake.

Kamakalawa, may naganap na namang pagpatay sa Sta. Cruz, Manila. Napatay ang 58-anyos na businessman na si Beningo Medina sa harap mismo ng kanyang tindahan sa 1746 Rizal Ave. dakong alas-sais ng gabi. Binaril siya ng ilang ulit sa katawan ng nag-iisang gunman. Si Medina ang ika-apat na biktima ng pagpatay ngayong buwan ng Agosto. Malupit ang pagpatay na para bang pumapatay lamang ng manok.

Noong August 13, isang sekretarya ang walang awang binaril habang naghihintay ng taksi sa Tondo. Namatay at hindi na umabot sa ospital si Cecilia Ramos makaraang barilin ng isang lalaki. Si Ramos ay empleado sa Caloocan City Hall. Dalawang araw ang makalipas, makaraang mapatay si Ramos, napatay din matapos pagbabarilin ng isang gunman si Atty. Franklin Tamargo sa loob ng kanyang kotse sa Nueva St., Binondo, Manila. Noong August 17, binaril at napatay ang barangay chairman ng Bgy. 269 habang nagluluto ng hapunan sa tagiliran ng barangay hall sa Binondo.

Apat na madudugong pagpatay sa loob ng isang buwan. Nasaan ang mga pulis at walang naka-responde sa mga naganap na krimen na pawang nangyari sa mga matao at abalang lugar sa Maynila? Kulang ba sa kagamitan at sasakyan ang WPD kaya hindi makadalo sa mga nangyayaring krimen o abala sa paghanap ng "delihensiya" ang mga bugok na miyembro.

Hindi raw dapat ikabahala ang nangyayari sabi ng WPD pero kung susuriin, noong July pa may mga sunud-sunod na krimen na hanggang ngayon ay hindi pa nareresolba ng kapulisan. Noong July 1, inambush si Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) chief Go Teng Kok habang papasok sa kanyang opisina sa Rizal Memorial Complex. Nakaligtas si Go sa kabila ng dalawang tama ng bala sa pisngi. Noong July 25, isang Customs collector ang inambush sa Anda Circle, Port Area.

Hindi pa dapat maalarma ang mga taga-Maynila sa sunud-sunod na krimen? Paano ang "Buhayin ang Maynila" ni Mayor Lito Atienza?

Show comments