Nitong nagdaang mga araw, nakahuli ang mga tauhan ni Matillano ng 300 gramo ng shabu sa Marikina City at mahigit isang kilo naman sa Pasig City. Inamin naman ng dalawang Muslim na naaresto noong Nov. 5 doon sa Sitio Tumana sa Barangay Concepcion Uno sa Marikina City na matagal na ang kanilang hayagang operasyon doon.
Ang hindi natin alam ay kung bakit ligaw ang pulisya natin sa ilegal nilang negosyo. Sa Pasig City naman, ni-raid ng mga tauhan ni Senior Supt. Cipriano Querol Jr., ng CIDG detective and special operations division (DSOD) ang isang condo unit doon at naaresto nga ang Koreano na si Tae Won Hong, 45, na nakumpiskahan naman ng mahigit isang kilong shabu. Bakit hindi siya naamoy ng mga lokal na pulisya natin, yan ang tanong na dapat sagutin ni Sacramento.
Pero kung ang mga pulis naman na nakausap ko ang tatanungin, iba pala ang pinagkaabalahan nitong mga taga-EPD tulad ni alyas Bernie. Imbes na magkampanya sila laban sa droga ang ginagawa nitong si Bernie ay umikot sa tabakuhan o mga gambling joints at presto may pinag-ingreso na siya sa amo niya. Pero hindi ko sinabing si Sacramento ang amo ni Bernie ha! Ayon pa sa mga pulis umaabot sa P200,000 kada linggo ang iniakyat na lingguhang intelihensiya ni Bernie sa amo niya na kung tawagin sa Camp Crame ay Saddam. Aba kapangalan pa ng strongman ng Iraq ah!
Ayon sa mga pulis, si Tony Santos na tinaguriang Metro Manila jueteng king ay nag-aabot ng P70,000 kada linggo kay Bernie. Si Cris dela Paz naman na nakabase sa Marikina City ay P50,000 ang lingguhan samantalang si Diday ay P6,500; Boy A., P8,000; Estong P1,000; Eddie Zipper, P5,000; Onying, P2,000; Peping Suarez; P5,000 at Joel Guevarra P3,000. Ang mga may-ari naman ng peryahan na sina Shaggy, Jess, Rosa at Ely ay uniporme na P10,000 kada linggo. Wala pa riyan ang mga paihi ng gasolina.
Eh kung ganyan kalaki ang iniakyat na pera ni Bernie, bakit nagrereklamo ang mga opisyales sa EPD na hindi sila naaambunan ng panggastos sa opisina nila. Sa katunayan maraming opisyal ng pulisya ang gustong lisanin itong EPD pero may humaharang sa mga papeles nila. Bakit kaya? At wala ring mga opisyal ng PNP natin ang gustong dumapo sa EPD, anang mga pulis doon. At higit sa lahat, hindi kayang sipain sa puwesto ninuman itong si Sacramento dahil bukambibig niya si Speaker Jose de Venecia, di ba mga suki?