Inaresto ng mga awtoridad si Ronald Lumbao, leader ng mga loyalista ni dating Presidente Estrada para kasuhan ng rebelyon, isang hakbang na lalo lamang nagpainit sa galit ng mga supporters ng dating Pangulo. Kung matatandaan, itong si Lumbao raw ang nanguna sa madugong pagsalakay ng mga ERAP loyalists sa Malacañang noong Mayo 1 ng nakaraang taon.
Tiniyak pa ng Department of Justice na hindi makapagpipiyansa si Lumbao para pansamantalang makalaya.
This is politically unsound.
Sa sitwasyong nangyayari sa ating bansa, hindi dapat ngipin sa ngipin ang labanan kundi diplomasya. Ang mga tagasunod ni Estrada ay hindi maitatangging isa pa ring malakas na puwersa which can destabilize the Arroyo administration. At ang pagdakip kay Lumbao ay lalo lamang magpapaigting sa nagpupuyos na galit ng mga loyalistang ito.
Kung sino man ang may ideya sa pag-arestong ito, malamang kakampi ng nakapiit na dating Pangulo. Reversed psychology ang pinaiiral. Kunway panig sa administrasyon pero sa totoo lang, gumagawa ng estratehiya para ibagsak ang gobyernong Arroyo.
Kung mali man ang kuro-kuro ko, wala na akong ibang maisip na dahilan kung bakit ito ginawa ng gobyerno maliban sa "katangahan" ng ilang opisyal ng administrasyon.
Madaling sabihing ipinatutupad lang ang batas porke itong si Lumbao ay nahaharap sa kasong rebelyon. Fine.
But this is a special political situation at dapat timbangin ng gobyerno ang mga gagawing hakbang upang tiyakin na ang mga itoy makabubuti o makagugulo sa bansa.
Pati na ang overreaction ng gobyerno sa tsismis na ang Council of Philippine Affairs (COPA) ay balak bumuo ng isang junta na siyang papalit sa administrasyong Arroyo ay isang kapalpakan. This knee-jerk reaction only shows the absence of confidence of the administration in its stability.
Ngayon naman ay may balitang kumikilos nang palihim ang Malacañang para pigilin ang pagpapalabas sa telebisyon ng kontrobersyal ng Estrada documentary na Ama ng Masa.
That is another overreaction at kung sino man ang nagpayo nito sa palasyo ay malamang, kalaban din ni Presidente Arroyo.
Pigilan man o hindi ang airing ng dokumentaryo, puwede pa ring mag-produce ang kampo ni Erap ng mga murang VCD para ipamahagi ng libre sa taumbayan.
Sa harap ng ganitong mga aksyon ng pamahalaan, malamang na ang simpatiya ng taumbayan ay unti-unting mahuhulog sa panig ng kalaban ng pamahalaan.
Alam nyo naman ang underdog mentality ng mga Pinoy.