QC: Ibalik bilang capital ng Pilipinas

UMIINIT ang isyu kung alin ang dapat maging capital ng Pilipinas – ang Maynila o Quezon City? Muling nabuksan ang isyung ito batay sa inihaing panukala sa Kongreso ni Rep. Nanette Castelo Daza ng 4th district ng QC. Ayon kay Daza dapat lang na ang Quezon City ang maging kapitolyo ng Pilipinas sa buong mundo. Sinabi niya na noong 1948 ay isinabatas na maging capital ang Quezon City ng Pilipinas. Noong panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos, ang Maynila ay pinagtibay bilang capital ng Pilipinas. Nasundan ito ng pagbuo ng Metro Manila na ang kauna-unahang gobernador ay si dating First Lady Imelda Marcos.

Sa kanyang panukala binanggit ni Daza na nasa Quezon City ay matatagpuan ang lahat ng pasilidad ng gobyerno, kabilang na ang Kongreso. Maunlad din ang lungsod sa negosyo at patuloy ito sa pagsulong. Sinabi ni Daza na pipilitin niyang maisabatas ang kanyang panukala na maging capital of the Philippines ang Quezon City.

Sinalungat ang panukala ni Daza ni Manila Mayor Lito Atienza. Sinabi ni Atienza na matagal nang kilala ang Maynila bilang capital ng Pilipinas maging ng mga dayuhan. Isang Pilipino historian ang nagsabi na sa abroad ay mas kilala pa ang Maynila kaysa Pilipinas. Noong panahon ng mga Kastila ay Maynila ang sentro ng gobyerno. Ang gobernadorcillo ay nag-oopisina at nakatira sa Maynila. Maunlad din ang kabuhayan sa lungsod na nanagana sa iba’t ibang negosyo.

Show comments