Sa pagtugon sa lumalalang kalagayan ng ating lipunan bunga ng kriminalidad, katiwalian at narco-Politics, ang VACC at ang Linis Gobyerno ng Baguio City ay nagsagawa ng isang indignation march rally kahapon sa Session road upang batikusin ang mga kinauukulan sa paglaganap ng nasabing mga problema.
Ang rally ay upang ipakita sa mga residente ng Baguio na nakasasawa na ang paulit-ulit na paglaganap ng mga nabanggit na sakit ng lipunan at kailangang tugunan ng pamahalaan. Isa sa mga highlights sa rally ay ang pagsunog ng effigy na sumisimbolo sa katiwalian, kriminalidad at narco-politics.
Matapos ang rally ay idinaos ang isang forum upang pag-usapan ang mga isyung nabanggit sa pag-asang magbibigay ito ng kalinangan sa taumbayan.
Kabilang sa mga dumalo bilang mga bisita at resource speakers ay sina VACC Vice-chairman/President Lauro Vizconde; E-JUST Chairman Atty. Leonard De Vera, Mary Ong, Manila ex-Councilor Chika Go, mga kamag-anak ng mga kidnap-for-ransom victims tulad ni Mark Chua, Gian Leung at iba pa.
Sa pagtugon ng Baguio City sa nasabing gawain, masasabing gumising na rin ang siyudad na ito sa katotohanan na isang malaking problema ang hinaharap ngayon ng pamahalaan.