Hindi elected official si Abalos, samantalang ang mga miyembro nito sa katauhan ng mga mayors ay pawang mga inihalal ng bayan. Sa parte na lang na ito ay parang taliwas na kaagad sa nararapat na mangyari. Sa totoo lang, hindi ba parang mali ang sitwasyon kung ang boss ng mga mayor ay isang appointee lamang na puwedeng alisin sa anumang oras.
Hindi dapat iparis ang MMDA noong panahon ni President Ferdinand Marcos. Ang Metro Manila Council noon ay pinamumunuan ni dating First Lady Imelda Marcos na may hawak din ng Human Settlements. Papaanong hindi lalakas at gaganda ang takbo ng MMC noon? Si Imelda Marcos yata ang boss noon.
Dahil sa wala naman talagang magaling na nagagawa ang MMDA, lalong umiinit ang panawagan ng ibat ibang sektor na buwagin na ito. May mga nagsasabi na palitan ito ng mas malakas at organisadong ahensiya.
Sinabi naman ng iba kong nakausap, mas makabubuti na ipaubaya na lamang ang pagpapalakad at pamamahala ng kani-kanilang nasasakupan, sila rin ang dapat na may awtoridad at karapatan kung anuman ang nais nilang ipatupad. Nasa mga kamay nila ang nais nilang maging kalagayan ng kanilang pinamamahalaan. Sila lamang ang dapat purihin o sisihin.