Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nawawala ang matinding takot at nagka-trauma ang mga residenteng hinostage sa Bgy. Pasonanca. Walumput anim na residente ang hinostage, karamihan ay mga babae at bata. Tinalian sila sa kamay at ginawang pananggalang sa lumulusob na mga sundalo. Nasukol ang mga rebelde sa Kabatangan Complex at nang walang matakbuhan, pinagbalingan ang mga residente ng Bgy. Pasonanca. Nagtago sila sa katawan ng mga hostages habang nakatutok ang mga baril. Pigil-hininga ang mga kawawang hostages, ang iba ay kumakaway sa mga sundalo na huwag magpapaputok.
Ilang oras lamang makaraang hayaan ng gobyerno na makaalis ang mga rebelde, nagsimula na naman ang bakbakan. Ang mga pinatakas ay muling bumuo ng grupo at nakipagpalitan na naman ng putok sa pamahalaan. Hinabol muli ng mga sundalo ang kanilang pinatakas. Ano ba yan?
Maraming pagkakamali ang gobyerno. Oo ngat kailangan ang pakikipag-usap para mapalaya ang mga hinostage subalit naging sunud-sunuran ang pamahalaan. Hinayaan pang dalhin ang mga baril, na malinaw din namang pag-aari ng gobyerno sapagkat ang perang ipinambili ay bahagi ng pondo para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na dating pinamunuan ni Nur Misurari na ngayoy nakakulong sa Malaysia dahil sa illegal entry.
Malambot ang gobyerno at walang direksiyon sa tamang pagsawata sa mga rebelde. Pinalalaki ang mga ulo kaya nangangagat at nagiging traidor. Dahil sa kalambutan at walang tinutungo, sumulpot ang maraming sira-ulong rebelde at pati mga bandido na gaya ng Abu Sayaff. Dapat nang maging matalino ang gobyerno sa pakikitungo sa mga rebeldeng duwag at mga sira-ulong bandido.