Sugpuin ang kidnapping

Dahil sa sunud-sunod na insidente ng kidnapping sa bansa, pag-iibayuhin ng administrasyon ang kampanya nitong labanan ang kriminalidad. Ang mga taong nasa likod ng walang awang pagpatay sa mga hostages na karamihan ay mga Filipino-Chinese ay kinakailangang mapatawan ng mabigat na parusa. Naging mas mahigpit ang posisyon ngayon ng administrasyon sa pagsugpo sa kidnapping dahil sa epekto nito sa mga negosyante at sa seguridad ng mga mamamayan.

Noong Enero, matatandaang nagbitaw ng pahayag si President Gloria Macapagal-Arroyo na walang mabibitay sa ilalim ng kanyang administrasyon, subalit sa biglaang pagdami ng insidente ng kidnapping, minabuti niyang maging mahigpit.

May mga bagong hakbang at programa rin ang administrasyon na ipatutupad upang masugpo ang kriminalidad sa bansa. Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang pagbubuo ng National Anti-Crime Commission para sa pangangalap ng mga intelligence reports; ang pag-mobilized sa mga Bantay Bayan volunteers sa ilalim ng Peace and Order Councils, para sa pagmamanman sa ating mga komunidad; ang pag-alok ng P100 milyong pondo bilang pabuya sa mga magbibigay ng impormasyon upang matunton ang mga kidnappers. Dagdag pa rito ang pagtatalaga ng agarang tulong at emergency response at anti-kidnapping command center sa Chinatown.

Mahalagang maging epektibo ang pagsupil ng administrasyon sa kidnapping. Hindi lamang ang pagtatalaga ng mga reporma sa pulitika at ekonomiya ang bigyang pansin ng pamahalaan. Sa mga pagbabagong ipapatupad, layunin na gawing mas epektibo ang pagkilos ng ating mga pulis at ahensiya sa harap ng mga kaso ng kidnapping at iba pang uri ng kriminalidad. Subalit kailangan din ang pakikiisa ng lahat sa paglaban ng krimen.

Show comments