Hindi pa natatagalang matapos ang away, bumalik si Paul sa tahanan ni Aling Clara. Sa kanyang pagbabalik, nakita niya si Dong, na anak ni Aling Clara, na nakahiga sa bakuran, walang malay dahil sa sobrang pagkalasing. Kay Dong niya ibinuhos ang kanyang naipong galit. Pinagsisipa ni Paul si Dong sa tiyan at dibdib at sa iba pang parte ng katawan. Inangat pa ang lupaypay na si Dong at binagsak sa lupa. Pagkaraan, dinala si Dong sa pagamutan at wala namang nakitang abnormal sa kalagayan niya. Amoy alak ito at sumasakit ang tiyan. Kinabukasan ng hapon, muling idinaing ni Dong ang pagsakit ng tiyan. At dahil nga wala namang grabe sa kanyang hitsura, binigyan lamang siya ng gamot para rito. Ngunit kinagabihan, namatay si Dong dahil sa kumplikasyon. Sumabog ang kanyang mga ugat at napinsala ang internal organs. Dahil dito, kinasuhan at nahatulan ng Mababang Hukuman na nagkasala si Paul ng murder. Kinuwestiyon ni Paul ang hatol na ito at ikinatwiran niyang noong inatake niya si Dong, wala siyang intensiyong patayin ito. Ang balak niya’y saktan lamang ito. Kaya’t hindi siya maaring magkasala ng murder. Tama ba si Paul?
Mali. Sinabi ng Korte Suprema na sinuman ang nagkusang manakit sa kapwa ay mananagot sa lahat ng kahihinatnan ng kanyang pananakit pati ang pagkamatay ng biktima. Sa kasong ito, may sala si Paul sa pagkamatay ni Dong dahil sa malakas at matinding sipa sa mga maselang parte ng katawan. At dahil si Dong ay walang malay at nakabulagta ng siya’y pagsisipain, ang ginawa ni Paul ay may halong kataksilan sapagkat ang biktima’y walang kalaban-laban at sadyang hindi maipagtatanggol ang kanyang sarili. Kaya murder ang kanyang sala at hindi lamang homicide. Ang pagpatay ay nagiging murder kung may kasamang kataksilan.
Ang kawalan ng intensiyon ni Paul na patayin si Dong ng saktan niya ito’y hindi makapagpapawalang-sala sa kanya. Ito’y magpapagaan lamang ng kanyang parusa. Kaya dahil lang sa paninipa, si Paul ay mabibilanggo ng 10 hanggang 17 taon, apat na buwan at isang araw. (People of the Philippines vs. Flores, G.R. 116524, Jan. 18, 1996).