EDITORYAL - Lipulin ang mga kurakot

Babala ni President Gloria Macapagal-Arroyo kamakalawa: "I shall crush you!" Ito ay babala niya sa mga manggugulo sa kanyang administrasyon, partikular sa napatalsik na si President Estrada. Subalit hindi ang babalang ito ang sa palagay namin ay masustansiya sa kanyang mga sinabi. Mas maganda ang sinabi niyang magkakaroon ng moral revolution. Mula aniya sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. Dapat lamang ito. Kailangang maibalik ang moral ng gobyernong sinalaula ni Estrada. Kailangang simulan na ni GMA ang paglilinis sa maraming sangay ng pamahalaan upang malubos ang tagumpay ng People Power sa EDSA.

Lipulin mo ang mga kurakot sa pamahalaan, Mrs. President at huwag sanang matulad sa pagbabanta ni Estrada ang iyong mga sinabi. Isang malaking katatawanan ang ginawa ng napatalsik na si Estrada nang maglagay ng mga naglalakihang billboards sa kalsada na nagsasaad na dudurugin niya ang graft and corruption. Iyon pala’y siya ang pasimuno ng katiwalian. Paano nga mawawalis ang katiwalian kung mismong ang Presidente ang gumagawa nito. Isang malaking kabalbalan ang sinabi ni Estrada na "Huwag ninyo akong subukan."

Nagpahayag na ang ilang bagong pinuno ng sangay ng pamahalaan na wala nang magaganap na katiwalian sa kanilang nasasakupan. Sinabi ng bagong Customs Chief na si Titus Villanueva na wala nang magaganap na smuggling sa kanyang tanggapan. Hindi kaila na noong panahon ni Estrada ay laganap dito ang talamak na katiwalian. Aabangan ng taumbayan ang katotohanan ng sinabi ni Villanueva o kung ito ay laway din na matutuyo sa kanyang mga labi.

Tama ang balak ni GMA na ipagbili ang mga mamahaling sasakyan na ginamit ng nakaraang administrasyon upang maipampuno sa budget deficit. Ayon sa report, aabot sa P130 bilyon hanggang P145 bilyon ang budget deficit sa 2001. Napakaraming mga mamahaling sasakyan na ibinigay sa mga Cabinet members ang dapat ipagbili ganon din ang barkong Ang Pangulo na ginawang madyungan lamang ni Estrada. Ayon pa sa report, ipagbibili rin ang mga mararangyang mansion at bahay-bakasyunan ni Estrada. Gawin ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Magkakaroon lamang ng katotohanan ang mga sinabi ni GMA kung magiging lantaran ang gagawin niyang pagbabago. At naniniwala kami na hindi matutulad ang gobyerno niya sa pinatalsik na si Estrada. Alam naming makikinig siya sa taumbayan gaya ng pakikinig niya nang bawiin ang appointment ni retired General Lisandro Abadia at pag-iimbestiga naman kay PNP chief Leandro Mendoza. Hataw pa, Mrs. President.

Show comments