EDITORYAL - People power vs basura

Nagtagumpay ang mga taga-Semirara na labanan ang balak na gawing basurahan ang kanilang lugar. Nagkaisa sila sa hindi magandang balak ng Metro Manila Development Authority na pinamumunuan ni Jejomar Binay at ng Greater Metropolitan Solid Waste Management Committee na pinamumunuan ni Robert Aventajado. Kamakalawa ay iniscrap na ni President Estrada ang planong pagtapunan ng Metro Manila garbage ang Semirara. Subalit bago nakakilos si Estrada ay "napasibad" na ni Binay at Aventajado ang dalawang barges na puno ng basura at dinala sa Semirara. Hinarang naman ito ng mga nagpoprotestang residente roon. Mahigit nang isang linggong nagsasagawa ng protesta ang mga taga-Semirara sa planong pagtapunan ng basura ang kanilang lugar. Ito ang naging dahilan para mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang Antique Regional Trial Court.

Subalit hindi pa tapos ang problema sa pag-scrap ni Estrada sa plano sa Semirara. Naghahanap pa ngayon ang pamahalaan ng mga lugar na pagtatapunan ng basura kapalit ng Semirara. Umano’y isang lugar sa Luzon ang balak na pagtapunan. Hindi naman binanggit ang pangalan ng site.

Sa kasalukuya’y tambak na ang basura sa Metro Manila. Inatasan na ni Estrada si Agriculture Secretary Edgardo Angara na linisin ang basura sa loob ng 10 araw. Inatasan din umano nito si Binay na lutasin ang problema sa basura. Kamakalawa ay nagbabala ang Department of Health sa epidemyang ihahatid ng mga nagkalat na basura. Kung hindi pa makagagawa ng epektibong paraan ang pamahalaan, nasa panganib ang kalusugan ng mga taga-Metro Manila.

Ang MMDA at ang Solid Waste Management ay maraming pagkukulang sa problemang ito. Bago nagsara ang San Mateo landfill ay madalas nilang sabihin na walang gaanong problema sa lugar na pagtatapunan ng basura sapagkat nakahanap na sila. Nakahanap nga sila – sa Semirara nga subalit ito naman pala’y hindi aangkop at laban sa kalooban ng mga taga-roon. Banta sa panganib at maraming paglabag sa Department of Environment and Natural Resources. Bukod dito, may hinalang may iregularidad din umano sa pagitan ng MMDA, Solid Waste Management at ng mga contractor na DMCI at R-II Builders, Inc. Magkakaroon ng imbestigasyon ang Senado sa umano’y deal na ito.

Nanalo ang mga taga-Semirara na huwag pagtapunan ng basura ang kanilang lugar. Magandang halimbawa ito sa iba pa na mag-people power din kung balak na pagtapunan ng basura ang kanilang lugar. Ang problema ng basura ay hindi dapat ipasa sa iba.

Show comments