Sa halip na nagbago ay nagpatuloy pa si Estrada sa pakikipag-ulayaw sa mga miyembro ng "midnight cabinet". Naging madalas pa ang pakikipag-inuman ni Estrada sa kanyang mga kaibigan at kabilang dito si Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson. Ngayo’y numero unong kalaban ni Estrada si Singson dahil sa akusasyon nitong tumanggap siya ng suhol na P400 milyon mula sa jueteng at kickbacks na P130 milyon mula sa tobacco excise tax. Sinabi ni Laquian na inaabot nang hanggang alas-4 ng madaling araw ang "midnight cabinet" ni Estrada. Nasa Canada si Laquian subalit maaaring bumalik upang tumestigo sa impeachment trial ni Estrada. Walang nakaaalam kung ano ang sasabihin ni Laquian sa taong sumibak sa kanya.
Nabulgar ang "midnight cabinet" ni Estrada subalit hindi pa rin siya nagbago. Walang epekto ang talas ng mga kritisismo. Subalit ngayo’y may magandang balita si Executive Secretary Ronaldo Zamora. Nagbago na umano ang Presidente at nagsasagawa na ng reporma at binabago na rin ang sarili. Sinabi ni Zamora noong Pasko na buwag na ang "midnight cabinet" ni Estrada. Sinabi pa ni Zamora na naging "masyadong mabait" si Estrada sa kanyang mga kaibigan noon at kapag may pumupunta rito sa gabi ay hindi naman nito maitaboy. Ngayon aniya ay maaga nang nagigising si Estrada at nirerepaso na ang mga papeles at mga dokumentong dapat pirmahan. Kaiba noon kaysa ngayon.
Marami nang ipinangako si Estrada tungkol sa mga gagawin niyang pagbabago tuwing magpapalit ang taon. Noong nakaraang taon, sinabi niyang ititigil na ang paninigarilyo subalit hindi rin naman niya ito nagawa. Ngayo’y buwag na umano ang "midnight cabinet". Ibig bang sabihin nito’y wala na ang masasarap at mamahaling alak o pagkaing bumabaha sa umpukang iyon. Nangangako ng maraming reporma sa sarili at sa administrasyon si Estrada ngayong papasok ang Bagong Taon. Ang tanong ay kung may makikinig pa sa pangakong ito. At kung gawin, hindi na kaya masyadong huli ang pagbabagong ito. Maililigtas pa kaya nito ang kanyang pagka-Presidente?