Cardinals-Blazers sa NCAA Finale
MANILA, Philippines — Hindi na binigyan ng Cardinals ng pag-asa ang Pirates na makahirit ng ‘do--or-die’ game sa Final Four ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Sinibak ng Mapua University ang Lyceum of the Philippines University, 89-79, para umabante sa ikalawang sunod na NCAA Finals kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ito ang ikatlong finals appearance ng No. 1 Cardinals sa huling apat na NCAA seasons at hindi na nagamit ang bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 4 Pirates.
Nagpasabog si reigning MVP Clint Escamis ng career-high 33 points bukod sa 4 rebounds, 3 assists at 2 steals para banderahan ang Mapua.
Huling nahawakan ng Lyceum ang kalamangan sa 65-60 matapos ang three-point shot ni JL Bravo sa 2:27 minuto ng nasabing yugto.
Sa likod nina Escamis, Chris Hubilla at Cyrus Recto ay naghulog ang Mapua ng isang 16-4 bomba para iposte ang 10-point advantage, 79-69, sa 4:53 minuto ng fourth quarter.
Sa ikalawang laro, pinatalsik ng No. 2 College of St. Benilde ang No. 3 San Beda University, 79-63, papasok sa kanilang ikalawang finals stint.
Nagtuwang sina center Allen Liwag, Tony Inot at Jhomel Ancheta sa arangkada ng tropa ni coach Charles Tiu.
Lalabanan ng Blazers ang Cardinals sa best-of-three championship series.
- Latest