Imago (9)
“SOMEONE entered my room!” galit na asik ni Maya sa manager ng hotel, habang hawak ang kanyang nanginginig na camera bag.
Dahil sa kanyang pagpipilit, dinala siya sa security room upang suriin ang CCTV. Kasama niya si Nelson na pilit siyang pinapakalma. Ngunit hindi magpapatalo si Maya. Alam niyang may nakapasok. Ang talulot ng bulaklak ang katibayan.
Pinihit ng security officer ang footage. “Miss Maya,” magalang na sulyap ng manager sa tulong ng isang interpreter. “Ayon sa record, walang ibang pumasok sa silid mo kundi ikaw.”
“Ano?” napaatras si Maya. “Kasama ko si Nelson buong umaga sa gallery!”
Itinuro ng officer ang screen na may timestamp: 10:00 AM.
Nanlamig ang buong katawan ni Maya. Sa malinaw na digital screen, nakita niya ang sarili. Ang kanyang buhok, ang suot na jacket, ang tindig. Lumapit ang babaing nasa video sa front desk, nakipag-usap sa receptionist, at binigyan ito ng bagong keycard matapos magdahilan na nawala ang orihinal. Pagkatapos, dire-diretso itong umakyat sa kanyang silid.
“Ikaw ba ‘yan?” bulong ni Nelson, nag-aalangan dahil hindi ganoon kalinaw ang CCTV footage. “Kaya ka ba matagal bago makabalik sa coffee shop dahil bumalik ka rito sa hotel?”
“Hindi ako ‘yan,” halos walang boses na sabi ni Maya habang nakatitig sa screen.
Tumingin ang babae sa video nang direkta sa direksyon ng camera bago pumasok sa elevator—at sa isang saglit, ngumiti ito. Isang ngiting mapang-asar. Hindi siya ang nasa video. Ang pumasok sa kanyang kuwarto, ang kumuha ng keycard, at ang nag-iwan ng marka ay ang kanyang kakambal.
Si Mina ay buhay. At kasama siya sa larong ito. (Itutuloy)
- Latest




















