Binuhusan ng gasolina
MANILA, Philippines — Nasa malubhang kalagayan ang isang lalaki nang buhusan ng gasolina at sindihan ng isang selosong mister kung saan isang babae rin ang nadamay sa Taguig City.
Nakaratay at kasalukuyang inoobserbahan sa Ospital ng Makati ang biktimang si alyas “James”, 28, na residente ng Brgy. Pitogo, na nagtamo ng 3rd degree burns sa iba’t ibang bahagi ng katawan at mukha.
Ayon sa Taguig City Police Station, alas-10:22 ng umaga ng Biyernes, Hunyo 20, 2025 nang maganap ang insidente.
Kuha sa CCTV ng Brgy. Pitogo ang pangyayari kung saan makikita ang pagdating ng suspek na si alyas “Gregorio”, 43, sa isang eskinita at nilapitan ang biktimang nakatambay at nagse-cellphone.
Mabilis na ibinuhos ng suspek sa biktima ang gasolina na nasa supot at sinindihan. Naghihiyaw at nagtatakbo ang biktima hanggang sa umabot sa naglalabang ginang.
Nagtamo rin ng sunog sa katawan ang ginang.
Pahayag ng isang saksi, sinabihan pa ng suspek ang biktima ng “ito ang regalo ko sa yo,” bago ang pagbuhos ng gasolina.
Sinabi ni Brgy. Chairman Ives Ebrada, nagkaroon na rin ng harapan ang biktima at suspek kung saan nag-sorry pa ito sa mga pagbabanta sa biktima. Marami na ring record ang suspek sa barangay.
Lumilitaw na nag-isyu na ang barangay ng protection order laban sa suspek upang hindi makalapit sa kanyang misis na nagsampa ng reklamong pananakit, verbal at psychological abuse.
Ikinuwento naman ng ina ng biktima na minsan ding inabangan ang kanyang anak sa trabaho at pinagbantaan.
Marami rin umanong pinagseselosang lalaki ang suspek, hindi lamang ang kanyang anak, ayon pa sa ina ng biktima.