MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga pamilya ng missing sabungeros na hindi nila susukuan ang kaso at sa halip ay ipupursige ang imbestigasyon upang makasuhan ang dapat managot.
“Talagang hindi kami naggi-give-up, we have not given up on anything or anybody, ganon lang talaga mabagal minsan ang kaso, ito po ay proseso kinakailangang may ebidensya na makakalap at ginagawa po namin ang lahat,” ani Remulla.
Hindi man idinetalye, sinabi ni Remulla na may close coordination ang DOJ kay Philippine National Police Chief, General Nicolas Torre III.
Una nang sinabi ni Remulla na siniseryoso nila ang mga ibinunyag ni alyas “Totoy” hinggil sa pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.
Sa katunayan sinisimulan na ang pagpapahanap sa mga labi sa Taal Lake.
Aniya, pinoproseso na ang mga impormasyon kabilang ang testimonya ng whistleblower na nagsabing itinapon sa Taal Lake sa Batangas ang mga nawawalang sabungero.
May hawak din aniya, silang ibang klaseng ebidensya na maaring gamiting corroborative evidence.