2 bugaw arestado
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang 14-anyos na babae sa ikalawang pagkakataon na tinangka siyang ipagamit sa kustomer para sa sexual service, sa Binondo, Maynila, noong Biyernes ng gabi.
Arestado naman ang dalawang suspek na sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), na inamyendahan ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012).
Ang operasyon ay nag-ugat reklamong una nang idinulog ng biktima, kasama ang kaniyang ina hinggil sa sexual exploitation kapalit ng pera.Matapos ang positibong validation ay isinailalim ang biktima sa medical at psychological assistance ng lokal na social welfare.
Makalipas ang isang linggo, muling nagpadala ng online messages ang mga suspek sa biktima para sa panibagong “booking” kaya mabilis na kumilos ang mga tauhan ng NCRPO at ikinasa ang entrapment operation.
Nang magtungo na ang biktima sa hindi binanggit na hotel sa Maynila ay nakaabang ang mga operatiba at doon dinatnan ang mga suspek dahilan upang sila ay arestuhin.
Narekober sa mga suspek ang digital evidence o mobile phones na naglalaman ng mga mensahe at transaksyon kaugnay sa prostitution activities.
Sinabi ni NCRPO Director PBrig. General Anthony Aberin na ang matagumpay na operasyon ay nagpakita na gumagana ang 3-minute response time, alinsunod sa kautusan ni PNP Chief PGeneral Nicolas Torre III.