MANILA, Philippines — Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na wala silang kinukuha o pinahintulutan na maging fitness instructor para sa anumang physical fitness program para sa buong organisasyon.
Ito ay matapos na maimbitahan ng Public Community Affairs and Development Group (PCADG) ang fitness vlogger na si Rendon Labador para sa 93 weight loss challenge sa naturang yunit.
Sa naging memo na inilabas ni PNP Directorate for Police Community Relations Director PMGen. Roderick Augustus Alba, ang naturang physical activity nitong nakaraang Huwebes, Hunyo 19 ay inisyatibo ng PCADG at ng mismong mga miyembro lamang ng yunit ang kabilang dito.
Batay pa sa memorandum, inatasan ang mga kapulisan na tigilan ang pagbabahagi ng mga misleading contents dahil wala namang naging utos ang hepe na kumuha ng fitness instructor para pangunahan ang kahit anong physical activities o trainings.
Ito aniya ay para maiwasan ang paglaganap ng mga maling impormasyon na maaring maging rason ng pagkalito ng publiko.
Samantala, nauna naman dito ay wala ring naging personal na kaalaman si PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo hinggil sa pagiging fitness coach ni Labador sa PNP.