MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad ng Hail Transport, Inc. sa pakikipagtulungan ng GM Wuling Philippines ang kauna-unahang Driver to Owner Program na layong mapabuti ang kabuhayan ng mga tsuper sa bansa.
Sa nasabing programa maaaring makakuha ng unit ang driver na magiging pag-aari niya matapos ang 7 taon. Bibigyan din ng loyalty award.
Ang paglulunsad ay suporta sa modernization program ng Department of Transportation (DOTr) at pagbibigay ng komportable at maayos na biyahe ng mga mananakay.
Ayon kay Hail President Engr. Enrico Tamayo, nasa 5,000 Hail & Wuling EV lalarga na sa lansangan. Aniya ito na ang tamang panahon para sa mga TNVS dahil mas malaki ang kanilang kikitain. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo mas mainam aniya na EV ang dapat na pumapasada.
Nabatid naman kay Lloyd Lee, President at Chief Executive Officer ng Wuling, at misis na si Shamcey Supsup-Lee, Wuling Ambassador na mas marami pang Filipino ang gagamit ng EV.
Tiniyak din ng Hail at Wuling na sumusunod sila sa LTFRB’s Transport Network Vehicle Service (TNVS) guidelines.