Missing DLSU stude, natagpuang patay sa Cavite

MANILA, Philippines — Matapos ang 15 araw na pagkawala sa Bonifacio Global City (BGC), natagpuang naagnas na ang bangkay  na halos hindi na makilala ang isang Law student ng De La Salle University (DLSU) sa isang bakanteng lote sa Brgy. Sapa, Naic, Cavite nitong Sabado.

Dakong ala-1:20 ng hapon nang madiskubre sa bakanteng lote na pag-aari ng MJRL Realty ang bangkay ng biktimang si Anthony Banayad Granada, 25-anyos.

Iniulat na nitong nakalipas na Hunyo 8 dakong alas-9:40 ng gabi ay huling nakitang buhay si Granada nang makunan ng CCTV habang naglalakad sa Saluysoy Bridge ng Brgy. Sapa, Naic, Ca­vite kasabay ng ulat na siya ay nawawala.

Nauna rito, nakunan din ng CCTV ang pag-alis ni Granada sa Ridgewood Premier Condominium sa kahabaan ng C5 Road sa Taguig City noong Hunyo 8 ng alas-6:30 ng gabi.

Agad na naghanap ang pamilya nito at mga awtoridad sa Naic hanggang sa matagpuan ito kahapon, Sabado, sa nasabing lugar na wala nang buhay.

Nang matanggap ang report, agad na nagtungo sa lugar ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at iprinoseso ang crime scene na dito’y natagpuan ang isang drain clog free at isang botelya ng plastic sa tabi ng labi ng biktima. Positibong kinilala ng kaniyang ama ang binata base sa suot na damit at mga kagamitan ng araw na ideklarang ito ay nawawala.

Ayon sa Cavite Police ang biktima ay nakasuot ng kulay puting sweater, kulay asul na jogging pants na may dalawang kulay dilaw na stripes at kulay pu­ting Crocs slippers.

Patuloy na iniimbestigahan ang kasong ito upang mabigyang linaw ang insidente.

Show comments