PUVs, TNVS binalaan sa 20 porsyentong discount ng mga estudyante

Traditional jeepneys ply the route along P. Burgos in Manila on Saturday morning June 21, 2025.
Jesse Bustos/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Binalaan ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang mga Public Utility Vehicle (PUV) operators at drivers kabilang ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) providers na ipatupad ang 20 % ng diskuwento sa pamasahe ng mga estudyante dahilan kung hindi ay mahaharap ang mga ito sa paglabag sa batas.

Ito’y kasunod ng pagbabalik eskuwela ng mga estudyante kung saan iginiit ni Tiangco na dapat lahat ng estudyante ay makinabang sa diskuwento sa mga pampublikong transportasyon.

“Karapatan po yan ng mga estudyante na hindi dapat ipinagkakait sa kanilang hanay”, anang mambabatas dahilan kabawasan ito sa mala­king gastusin ng kanilang mga pamilya.

Samantalang hinikayat rin ng solon ang mga estudyante na ireport sa Land Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hotline o di kaya naman ay LTFRB Citizen’s Complaint Center ang mga kinauukulan na hindi susunod sa pagpapatupad ng diskuwento.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11314, ang hindi tatalima sa Student Fare Discount Act ay magmumulta ng 5,000 sa unang paglabag habang sa ikalawang paglabag ay masususpinde o mababawian ng prangkisa  at depende sa bigat ng magagawang pagkakamali.

Kaugnay nito, pinasalamatan naman ng solon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay ng 50 % diskuwento sa pamasahe ng mga estudyante.

Show comments