MANILA, Philippines - Namatay ang isang 70-anyos na Lolo habang nire-rescue sa Marikina City kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Rogelio Elezar, residente ng Brgy. Sto. Niño, Marikina City.
Sinabi ni Marikina Vice Mayor Jose Fabian Cadiz, ganap na alas-7:30 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang command post ng Rescue 161 mula sa Brgy. Sto. Niño na agad namang nirespondehan ng mga rescuer.
Ayon sa report, kasalukuyang nire-rescue sa mataas na tubig-baha ang matanda nang bigla siyang mangisay at bumula ang bibig hanggang sa unti-unting malagutan ng hininga.
Tinangka pang isugod sa Amang Rodriguez Hospital ang biktima pero hindi na ito umabot ng buhay.
Posible umanong nakaramdam ng matinding takot at nerbiyos ang matanda makaraang biglang tumaas ang baha sa kanilang barangay.
Sinabi pa ng Bise Alkalde, mas matindi ang delubyong inabot nila sa ngayon kumpara sa dinanas nila noong bagyong Ondoy.
“Dati-rati, kapag bumabaha sa amin dahil sa bagyo, isang araw lang ay wala na yung baha. Eh ngayon, apat na araw na. Iyan po ang hindi maintindihan ng ating mga kababayan. Ang akala nila, pagkahumupa na eh for good na yan,” ani Cadiz.
Sa ngayon ay may 6,774 na pamilya na may kabuuang 40,929 na katao ang kinakalinga ngayon sa iba’t ibang evacuation center sa Marikina City.