MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi makaraang sumadsad at sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang nakaparadang jeepney bago tuluyang bumangga sa pader ng isang bangko sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ni SPO2 Jun Cuaresma ng Traffic Sector 1 ng Quezon City Police, nakilala ang isa sa nasawi na si Michael Angelo Sy, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasama nitong nasawi na sinasabing nasa edad na 20-25 anyos.
Sinabi ni Cuaresma, natukoy ang pagkakakilanlan ni Sy sa nakuhang identification card sa sasakyan. Ito ay clerk sa Department of Transportation and Communication-Philippine National Railways. Gayunman, aalamin pa umano ni Cuaresma kung positibong ito ang pangalan ng biktima.
Nangyari ang aksidente sa harap ng Bank of the Philippine Island (BPI) na matatagpuan sa kahabaan ng Quezon Avenue, Brgy. West Triangle ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Sinasabing sakay ng isang Honda Civic (TER-520) ang mga biktima kung saan minamaneho ito ni Sy nang biglang mawalan ng kontrol ang huli sa manibela.
Ilang saksi ang nagsabi na mabilis ang takbo ng nasabing sasakyan habang tinatahak ang nasabing lugar patungong Manila, nang biglang iwasan nito ang isang motorsiklo.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at agad na dumiretso sa bangketa, kung saan binundol ang isang nakaparadang jeepney bago lumusot sa dalawang poste at bumangga sa pader ng BPI.
Sa lakas ng pagkakabangga, wasak na wasak ang unahang bahagi ng sasakyan ng mga biktima, dahilan para maipit ang mga ito at magtamo ng matinding pinsala sa kani-kanilang mga katawan.
Dagdag ni Cuaresma, base sa pahayag ng mga rescuer pawang amoy alak ang mga biktima nang mangyari ang insidente.
Patuloy ang pagsisiyasat sa nasabing insidente.