MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang dalawang security guard ng isang armored van makaraang holdapin at pagbabarilin ng mga holdaper sa loob ng isang shopping mall sa Pasig City kahapon ng tanghali.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mga sugatang security guard na naunahang paputukan ng higit sa tatlong armadong holdaper sa isang kilalang mall na nasa Marcos Highway, Brgy. Dela Paz, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat, maglilipat ng pera buhat sa isang money changer sa loob ng naturang mall ang mga security guard nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril dakong alas-11 ng tanghali.
Nabaril ang mga security guard na sina Edwin Nartea at Lotildes Domingo na kahit mga sugatan ay nakipagpalitan pa rin ng putok sa mga suspect. Tumagal umano ang palitan ng putok ng baril ng halos 10 minuto kung saan binalot ng sindak ang mga kostumer at namamasyal sa naturang mall.
Nagmamadali namang tumakas ang mga holdaper lulan ng isang puting kotse na Hyundai (PWN-834) na inabandona ng mga salarin sa kahabaan ng Marcos Highway na sakop ng Marikina City at sumakay sa naghihintay na gray na Mitsubishi Adventure tungo sa hindi mabatid na direksyon.
Tinatayang nasa P550,000 halaga ng salapi na nakalagay sa isang duffel bag ang natangay ng mga holdaper.
Sinabi ni Eastern Police District Director, Chief Supt. Miguel Laurel na nakunan ng “closed circuit television (CCTV) camera” ang pangyayari ngunit masyadong malabo ang resolusyon ng video footage para makilala ang mga holdaper.