MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang ginang makaraang tagain at laslasin ang leeg ng sarili nitong mister na hinihinalang nasa impluwensya ng droga makaraang mapikon sa kanilang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Emily Berganos, 43, matapos na halos humiwalay ang ulo sa katawan. Kritikal naman sa naturang pagamutan ang suspek na si Alfert Berganos, 43, makaraang tarakan din ng itak ang sarili.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation Unit ng Muntinlupa police, palagi umanong nagkakaroon ng pag-aaway ang mag-asawa mula nang malulong sa ilegal na droga ang lalaki. Sa kabila ng matagal na panahon nilang pagsasama at pagkakaroon pa ng pitong anak, nagagawa pa umanong magselos ng lalaki at palagi pang sinasaktan ang kanyang misis at mga anak.
Dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi nang magkaroon muli ng pagtatalo ang mag-asawa habang lango umano sa iligal na droga ang lalaki na nakakuha ng itak at nilaslas ang leeg ng asawa saka pinagtataga. Nang inakala ng suspek na patay na ang asawa, siya naman ang nagsaksak sa sarili.
Binabantayan naman ngayon ng mga tauhan ng pulisya ang suspek sa naturang pagamutan na sinampahan na ng kasong parricide sa piskalya.