MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 200 kabahayan ang naabo makaraang sumiklab ang sunog sa isang barangay sa lungsod Quezon kahapon ng tanghali.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection, ang sunog ay naganap sa may Area Pulong Diablo, Araneta Avenue, Brgy. Tatalon sa lungsod ganap na alas-12:30 ng tanghali.
Sa inisyal na ulat, sinasabing nagsimula ang sunog sa ground floor ng tatlong palapag na bahay ng isang Cristina Abella kung saan bigla na lamang umanong nagliyab ito.
Wala namang sinasabing dahilan ng sunog pero may duda ang mga residente na naiwang sinaing ang naging ugat ng pagsiklab nito.
Umabot sa task force alpha ang sunog bago tuluyang ideklarang fire out ito pasado ala-1:30 ng hapon.
Dahil din sa sunog, tumindi ang trapik sa bahagi ng Araneta Avenue, at lumuwag lamang ito nang simulang buksan ang bahagi ng nasabing kalye para madaanan. Dalawang residente ang bahagyang nasugatan, pero wala namang iniulat na nasawi dito.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente kung saan tinatayang 500 pamilya ang nawalan ng tirahan habang aabot naman sa P2 milyon ang halaga ng napinsala nito.