Puneraryang nagbebenta ng bangkay, pinaiimbestigahan

MANILA, Philippines - Inutos ni Chief of Staff at Media Information Bureau chief ng Manila City Hall na si Ric de Guzman ang ma­lawakang imbestigasyon laban sa isang punerarya sa Maynila na umano’y nagbebenta ng bangkay matapos na   mahuli sa isang entrapment operations kamakailan.

Ayon kay de Guzman, mahigpit na ipinagbabawal ang bentahan ng bangkay maging sa medical school lalo na sa isang indibiduwal ng walang kaukulang permiso mula sa mga awtoridad.

Paliwanag ni de Guzman, may mga guidelines na dapat na sundin sa bentahan ng bangkay maging ito man ay sa medical schools o sa isang indibiduwal.

Batay sa report, nahuli sa aktong nagbebenta ng bangkay sa isang poseur-buyer si Reynaldo dela Cruz, 39, director ng Cruz Funeral sa isinagawang entrapment ng Regional Police Intelligence Operations unit ng NCRPO.

Bukod kay dela Cruz, inaresto rin sina Marlon Pacheco, 26; sina Arnel, 23 at Warlie Bulalayao, 20, ng Sta. Cruz, Manila.

Ang mga ito ay nireklamo ni Marieta Gento ng San Jose, Bulacan, matapos na ibenta ng mga suspect ang bangkay ng kanyang asawa sa isang poseur-buyer na medical student. Kinasuhan ang mga ito ng qualified theft at PD 856 o Sanitation code of the Philippines.

Subalit ang mga ito ay sumailalim sa Release for Further­ Investigation ni Chief Inquest Elaine Yarra- Cerezo­ dahil na rin sa kakulangan ng testimonya ng poseur buyer at ang hindi pagsasama sa kaso sa mismong may-ari ng punerarya.

Lumilitaw na   pinaiimbestigahan din niya ang Fune­raria Cruz dahil sa umano’y reklamo na marumi at mabahong lugar. Aniya, kalinisan at kalusugan ng mga naninirahan malapit dito ang priyoridad at dapat na isaalang-alang.

Idinagdag pa ni de Guzman na maging ang mga nangho-hostage ng bangkay mahigpit na ipinagbabawal. Kadalasan umanong nangyayari na hindi binibigay sa pamilya ang bangkay hangga’t walang pantubos.

Show comments