MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim si Manila Police District (MPD) director Chief Superintendent Alex Gutierrez na isailalim sa summary dismissal proceedings ang isang pulis-trapiko na pinaniniwalaang nasa likod ng `Dugo-Dugo Gang’ operation.
Kasabay nito ay pinakakasuhan din ni Lim ang nabanggit na suspect na si PO1 Dominic Lapay, 34, ng Manila traffic district enforcement unit at ang sinasabing kasabwat nitong taxi driver na si Hadji Heradora ng Brgy. Isidro, Karangalan, Cainta, Rizal, habang ang katulong na si Geraldine Tamorite, 29, ay kasalukuyan pang isinasailalim sa interogasyon upang matukoy kung may kinalaman din ito sa pagtangay ng vault ng kaniyang amo na kinilalang si Tan Siu Ting.
Iniharap ni Lim sa media si Tamorite na nagsalaysay ng mga pangyayari at binigyang pagkakataon din ni Lim ang pulis at taxi driver na magpaliwanag kung bakit nasa kanila ang vault na naglalaman ng mga alahas, pera, at tseke na mahigit umanong P10-milyong piso ang kabuuang halaga.
Sa ulat, humingi ng assistance sa kaniyang tauhang si Senior Insp. Ismael dela Cruz si SPO1 Eduardo Ronquillo ng Caloocan Police-Criminal Investigation Section ang amo ni Tamorite, matapos umamin ang huli na tinangay ni Lapay ang vault nitong Pebrero 25.
Una rito, nakatanggap ng tawag si Tamorite sa nagpakilalang secretary umano ng amo at inutusan na dalhin ang vault sa Jose Reyes Memorial Medical Center upang ipandagdag sa gastusin ng naaksidenteng amo.
Bilin pa umano ng caller na ibalot ng tela ang vault, sumakay ng taxi at kung may magtanong kung ano ang dala niya sabihin niyang maliit na refrigerator lamang ito.
Nang mapansin umano ng driver na kahina-hinala ang kilos ni Tamorite ay isinuplong naman nito kay Lapay na naroroon sa kalye naka-duty at tinakot umano ang katulong kung nakaw ang dala niya hanggang sa magpa-load umano ang katulong at bigla na lamang siyang tinakbuhan ng driver sakay si Lapay.
Nang umuwi sa amo ay nagtungo sila sa Caloocan City Police na nakipag-ugnayan sa MPD-Traffic chief, kinontak si Lapay pero hindi ito sumasagot kaya napilitang puntahan ito sa bahay sa San Pascual St., Malate, Maynila at papaalis na umano ito nang abutan ng mga awtoridad. Nakita sa bahay nito ang nasabing vault at ang malaking pulang maleta na pinaglagyan ng vault.