MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga producers ng pelikula, lokal man o internasyunal, na kailangan munang kumuha ng permit sa kanila bago magsagawa ng shooting sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ito’y makaraan ang matinding pagsisikip ng trapiko na idinulot ng shooting ng telenovela ng GMA-7 sa Buendia flyover sa Roxas Blvd., Pasay.
Sinabi ni MMDA Asst. General Manager Murph Carlos na walang permit sa kanila ang mga producers ng telenovela kaya inutusan nilang ihinto ang shooting.
Sinisisi kasi ng ilang “internet social media users” ang MMDA dahil sa hindi pag-aabiso sa publiko at kawalan umano ng sapat na traffic enforcers sa lugar nang akalain ng mga ito na may bumagsak na bus sa Buendia flyover.
Sa naturang shooting, isang pampasaherong bus ang sadyang isinabit at dahan-dahan na ibinaba sa flyover na bahagi ng eksena.