MANILA, Philippines - Dala ng labis na kalungkutan, minarapat ng isang dalaga na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng isang comfort room ng rehabilitation center kung saan siya nakalagak dahil sa kanyang karamdaman sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon. “I-cremate daw siya at isabog sa South Pacific Ocean ang kanyang mga abo.”
Ito ang nakasaad, ayon kay SPO2 Jaime Jimena, may-hawak ng kaso, sa suicide note na iniwan ng biktimang si Angelica Valmonte, 32, na nunuluyan sa Talayan Village, Brgy. Talayan sa lungsod, matapos na magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa kanyang sarili.
Ayon kay Jimena, si Valmonte ay natagpuan ng nurse na si Oliver Nolasco habang nakabitin sa may curtain rod ng CR ng Timog Residence Home Care na matatagpuan sa may 10 Road 11, Brgy. Bahay Toro ganap na alas- 7 ng gabi. Bago ito, dagdag pa ni Jimena, si Valmonte ay dinala ng kanyang tiyuhin sa naturang rehabilitation center noong July 17, 2010 matapos na magkaroon ng manic depression.
Matapos ito, napag-alaman mula kay Nolasco na siyam na buwan na itong hindi dinalaw ng kanyang tiyuhin at maging ng kanyang mga magulang na nasa ibang bansa. Ito ang hinihinala ng awtoridad ng naging ugat upang magpasya itong magpatiwakal.
Sinasabing bago ang insidente, ganap na alas -6:30 ng gabi ay kumain pa ito ng hapunan hanggang sa magtungo ito sa banyo para maligo.
Subalit, ilang minuto ang lumipas ay hindi pa rin lumalabas sa CR ang nasawi, sanhi para magduda na si Nolasco at puwersahang buksan ang pinto kung saan bumulaga sa kanyang harapan ang nakabiting katawan nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.